Valentine's Day ng Tsina

2017-08-30 14:54:06

Bago ang lahat, nais ko munang bumati sa inyo ng Happy Valentine's Day! Maligayang Araw ng mga Puso mga kababayan!

Siguro nagtataka kayo kung bakit ako bumabati ng Maligayang Araw ng mga Puso, eh Agosto pa lang at sa susunod na Pebrero pa ang Valentine's Day.

Kasi, dito po sa Tsina, ipinagdiwang lang kamakailan ang Qixi Festival o Valentine's Day ng mga Tsino. Tama po ang narinig ninyo. Tulad ng Chun Jie o Chinese Lunar New Year, may Valentine's Day din ang mga Tsino batay sa Lunar Calendar.

Pero, bago natin pag-usapan ang Chinese Valentine's Day at ang pinagmulan nito, nais ko munang ipaliwanag kung ano ang Lunar Calendar.

Ang Nong Li/ Lunar Calendar ay ang tradisyonal na kalendaryo ng Tsina, at kadalasang ginagamit sa agrikultura.

Ayon sa Nong Li, ang quarter moon ay lumilitaw sa unang araw ng kada buwan, at ang bilog na buwan naman ay lumalabas sa kalagitnaan ng kada buwan. Ang siklong ito ay tumatagal ng tatlumpung araw.

Ayon sa magkakaibang posisyon ng araw, dalawamput apat na araw ang tanda ng dalawamput apat na dibisyon sa solar na taon o solar year ng Nong Li.

Halimbawa, ang dibisyon na Li Chun o pagsisimula ng tagsibol ay nagpapaala-ala sa mga tao na parating na ang tagsibol.

Ang Jing Zhe o paggising ng mga insekto ay nangangahulugang magiging mainit na ang panahon.

Ang Li Xia o pagsisimula ng tag-init ay ang panahon ng pag-usbong ng mga pananim.

Ang Da Han o Dakilang Lamig ay ang katapusan ng mabagsik na taglamig.

Lahat ng mga ito ay bumubuo sa isang siklo.

Ang ikatlumpung araw ng ikalabindalawang buwan ng Nong Li ay ang bisperas ng Bagong Taong Tsino; at ang susunod na araw ay ang Pestibal ng Tagsibol.

Ngayon, magpunta naman tayo sa Qixi Festival o Chinese Valentine's Day.

Ang Pestibal ng Qi Xi, na kilala rin bilang Araw ng mga Puso sa Tsina ay ipinagdiriwang tuwing ikapitong araw ng ikapitong lunar na buwan ng Kalendaryong Tsino.

May isang romantikong kuwentong may kaugnayan sa Qi Xi kaya ito binansagang Chinese Valentine's Day.

Ayon kuwento, sa pagpasyal sa daigdig ng isang diwatang taga-langit na nagngangalang Zhi Nv, nagustuhan niya at nahulog ang kanyang damdamin sa isang pastol ng baka na nagngangalang Niu Lang. Di kalaunan, sila ay naging magkasintahan.

Napagpasiyahan ni Zhi Nv na manatili sa daigdig kasama si Niu Lang  at mamuhay bilang ordinaryong nilalang.

Pero, ang pagmamahalan sa pagitan ng isang ordinaryong nilalang at diwata ay mahigpit na ipinagbabawal ng mga bathalang diwata sa langit.

Kaya, ang magkasintahan ay pinarusahan ng mga bathalang diwata sa langit, at ginawa silang bituwin na inilagay sa magkabilang dulo ng kalawakan. Maaari lamang nilang silayan ang isat-isa at hindi kailanman magkakasama dahil sa pambihirang distansya sa pagitan nila.

Pinapayagan lamang silang magkasama tuwing ikapitong araw ng ikapitong lunar na buwan kada taon.

Sa araw na ito, nagtitipun-tipon ang mga ibong magpie para gumawa ng tulay sa  kalawakan upang muling magkasama ang magsing-irog.

Ang Qi Xi ang pinaka-romantiko sa lahat ng mga tradisyonal na pestibal ng Tsina.

Sa pestibal na ito, ginugunita ng mga Tsino ang katapatan sa pag-ibig at nananalangin sila para sa kaligayahan.

Ito ay isang matandang alamat kung saan nakabase ang Chinese Valentine's Day, at sa panahon ngayon, malawakan itong ipinagdiriwang sa Tsina, taun-taon, lalo nan g mga kabataan.

Tulad din nating mga Pinoy, maraming Tsino ang pumupunta sa mga flower shop upang bumili ng bulaklak para sa kanilang minamahal, gf/bf, asawa at iba pang miyembro ng kanilang pamilya. Sa hapunan ng gabing itoi, kadalasang fully booked ang mga restawran sa dahil sa mga nagde-date na magkasintahan at mag-asawa. Ito'y isang tunay na romantikong araw para sa mga Tsino.

Alam po ninyo mga kaibigan, marami pang ibang pestibal ang Tsina na kahalintulad o  ipinagdiriwang din sa Pilipinas. Ilan dito ay Chinese New Year, Dragon Boat Festival, Mid-autumn Festival, Tomb Sweeping Festival at iba pa.

Kalendaryo

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino