Nihao Zhongguo: Mga pambihirang kaalaman tungkol sa Tsina (Part IV)

2017-10-19 09:06:13

Para sa episode na ito ng DLYST, susubukan nating kilalanin ang ibat-ibang pestibal ng Tsina na kadalasan ay ipinagdiriwang din sa ibat-ibang bansa sa mundo, magpahanggang ngayon.

  • 1. Chun Jie/Pestibal ng Tagsibol

Ang Pestibal ng Tagsibol/Chinese New Year o Chun Jie ay ang unang araw sa Kalendaryong Tsino. Kapag papalapit na ang Chun Jie, abala ang mga tao sa pagbili ng mga kagamitan, paglilinis ng bahay, pagluluto ng mga tradisyonal na pagkain, paggawa ng mga couplet para sa Pestibal ng Tagsibol, at pagsasabit ng mga dekorasyon at pinta para sa Pestibal ng Tagsibol. Ang pagsasalu-salo ng buong pamilya ay ang pinaka-importanteng aktibidad sa Chun Jie. Ang dumpling ay hindi maaaring mawala. Kinakatawan ng dumpling ang pagsasama-sama ng pamilya at magandang hangarin. Nagsasama-sama ang buong pamilya para magdiwang at magsaya. Kapag Chun Jie, suot ang kanilang mga bagong damit, binibisita ng mga tao ang isat-isa, at binibigyan ng pera ang mga bata upang magpahayag ng mabuting hangarin. Tuwing panahon ng Chun Jie, ibat-ibang selebrasyon ang idinaraos tulad ng mga perya sa templo, mga pagtatanghal, at mga eksibisyon ng parol, na tumatagal nang halos kalahating buwan.

  • 2. Qing Ming

Ang Pestibal ng Qing Ming ay araw ng pagpupugay at paggunita para sa mga Tsino. Tuwing ikalima ng Abril ayon sa Kalendaryong Tsino, idinaraos ng mga tao ang mga seremonya para sa kanilang mga ninuno at namayapang mahal sa buhay, at winawalis ang kanilang mga nitso. Ayon sa tradisyon, habang winawalis ang nitso, ang mga tao ay naglalagay ng pagkain sa harap nito, tinatabunan ng bagong lupa, nilalagyan ng sariwang sanga ng halaman bilang dekorasyon, at niyuyukuran bilang tanda ng paggalang. Sa tradisyonal na pintang Tsinong pinamagatang “Tagpo sa Kahabaan ng Ilog sa Pestibal ng Qing Ming,” na iginuhit 900 taon na ang nakakaraan, makikita ang mayamang (masaganang) atmospera at aktibidad sa nasabing araw. Sakay ng kanilang kabayo, ang mga tao ay bumabalik mula sa pagwawalis ng nitso, dala ang kanilang mga kagamitan. Ngayon, ang Qing Ming ay isa nang pampublikong piyesta-opisyal sa Tsina. Kahit nagbago nang kaunti ang mga seremonya sa paglipas ng panahon, ipinapahayag pa rin ng mga Tsino ang kanilang pagpupugay at paggunita sa kanilang namayapang mahal sa buhay.

  • 3. Duan Wu Jie/Pestibal ng Bangkang Dragon

Noong sinaunang Tsina, may isang dakilang manunula na nagngangalang Qu Yuan. Hindi niya matanggap ang pananakop ng mga dayuhan sa kanyang bansa, kaya, nilunod niya ang sarili sa ilog. Nagsagwan naman sa ilog ang mga lokal na residente upang siya ay iligtas at naghulog sila ng mga bolang gawa sa malagkit na bigas para ang kainin ng mga isda at hindi ang katawan ni Qu. Di-nagtagal, bilang pag-alaala sa patriotismo ni Qu, nagsasagwan sa ilog ang mga tao at gumagawa ng Zongzi, gamit ang malagkit na bigas tuwing Pestibal ng Bangkang Dragon o Duanwu Jie. Iyon ang pinagmulan ng karera ng bangkang dragon at pagkain ng Zongzi. Isang sinaunang kagawian tuwing Duanwu Jie ay pagsasabit ng dahon ng Calamus at Wormwood sa harap ng pintuan upang paalisin ang masasamang espiritu. Sa ilang lugar, ang mga tao ay umiinom ng alak na realgar, at ang mga bata ay sinusuotan ng mga paketeng may insenso. Sa kasalukuyan, nagsasama-sama ang pamilya sa Duanwu Jie. At marami nang ibat-ibang aktibidad ang mga tao para ipagdiwang ang tradisyonal na pestibal na ito.

  • 4. Qi Xi/Pestibal ng Qi Xi

Ang Pestibal ng Qi Xi, na kilala rin bilang Araw ng mga Puso sa Tsina ay ipinagdiriwang tuwing ikapitong araw ng ikapitong lunar na buwan ng Kalendaryong Tsino. May isang romantikong kuwentong may kaugnayan sa Qi Xi. Ayon kuwento, sa pagpasyal sa daigdig (planetang mundo) ng isang diwatang  taga-langit na nagngangalang Zhi Nv, nahulog ang kanyang damdamin sa isang pastol ng baka na nagngangalang Niu Lang. Napagpasiyahan ni Zhi Nv na manatili sa daigdig (planetang mundo) kasama si Niu Lang  at mamuhay bilang ordinaryong nilalang. Pero, ang pagmamahalan sa pagitan ng isang ordinaryong nilalang at diwata ay mahigpit na ipinagbabawal. Kaya, ang magsing-irog ay pinarusahan ng mga diyos sa langit, at ginawa silang bituin na inilagay sa magkabilang dulo ng kalawakan. Maaari lamang nilang silayan ang isat-isa sa pambihirang di-maraang distansya. Pinapayagan lamang silang magkasama tuwing ikapitong araw ng ikapitong lunar na buwan kada taon. Nagtitipun-tipon ang mga ibong magpie para gumawa ng tulay sa  kalawakan upang muling magkasama ang magsing-irog. Ang Qi Xi ang pinaka-romantiko sa lahat ng mga tradisyonal na pestibal ng Tsina. Sa pestibal na ito, ginugunita ng mga Tsino ang katapatan sa pag-ibig at nananalangin para sa kaligayahan ng pamilya.

Kalendaryo

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino