Pagkaing Tsino

2018-01-25 17:36:18

 

 

Sa loob ng 3,000 taong kasaysayan ng sibilisasyong Tsino, natural lamang na magkakaroon din ng mahaba at mayamang kasaysayan ang pagkaing Tsino. Karamihan sa ating mga Pinoy, kapag sinabing “Chinese Food,” ang agad na pumapasok sa isipan natin ay mga pagkaing natatagpuan sa Binondo - sa isang banda, tama po iyan, dahil ang mga pagkaing kinalakihan na natin ay bahagi rin ng mayaman at dibersipikadong kultura ng pagkain ng Tsina.

Pero, sa totoo lang, ang mga “Chinese Food” na kilala natin ay maliit na bahagi lamang ng tunay na lawak at laki ng saklaw ng mga pagkaing Tsino.

Ang mga pagkaing Tsino ay nahahati sa 8 katangi-tangi at espesyal na pagkakabaha-bahagi, na tinatawag din sa wikang Ingles na 8 Culinary Traditions, at ito ay ang mga sumusunod:

  • 1. Guangdong/Cantonese Cuisine/粤菜 (Yuècài).

Pagkaing Tsino

Sa kategoryang ito nabibilang ang mga pagkaing Tsinong nakagisnan at minahal na nating mga Pilipino. Ang katangian ng uri ng pagkaing ito ay manamis-namis, gumagamit ng braising at stewing at nilalagyan ng mga mild na sarsa, na gaya ng toyo, chili sauce, kalamansi at marami pang iba. Ang pagkaing Guangdong/Cantonese Cuisine/粤菜 (Yuècài) ay ang pinakapopular na uri ng pagkaing Tsino sa buong mundo. Ang probinsyang Guangdong, Hong Kong at Macau ay sikat din sa mgamataas na uri ng pagkaing-dagat at pagkaing mula sa bigas. Ang mga Tsinong mula sa rehiyong ito ay mayroong maraming uri ng pagkain, at ang mga ito ay may malumanay na lasa, at medyo manamis-namis. Ilan sa mga halimbawa ng kanilang mga pagkain ay: dimsum, siomai, pansit bihon, pansit canton, lumpiang shanghai, siopao, steamed na isda, chicken soy sauce, lugaw o congee, hopia, braised beef at marami pang iba.

  • 2. Sichuan Cuisine 川菜 Chuāncài.

Pagkaing Tsino

Ang kategoryang ito ay talagang maanghang at nakakamanhid ng labi at dila, at ginagamit sa kategoryang ito ang maraming sili, bawang, luya, mani, paminta, ma jiao o pamintang nakakamanhid/Sichuan Peppercorn at marami pang iba. Sa probinsyang Sichuan nanggaling ang mga pinakapopular at pinakatinatangkilik na pagkain sa Mainland Tsina. Ang mga putahe ng Sichuan ay kilala dahil sa kanilang hot-spicy na lasa at siyempre, ang nakakamanhid na pakiramdam sa labi at dila. Hindi ito matatagpuan sa ibang kategorya ng pagkain ng Tsina. Bukod dito, may reputasyon ang Sichuan cuisine sa paggamit ng napakaraming pampalasa at bawat putahe ay may sariling paraan ng pagluluto. May kasabihan sila na, 'one dish with one flavor, with one hundred dishes come hundred flavors.' Ilan sa mga pinakakilalang putahe ng kategoryang ito ay: mapo tofu, kung pao chicken, Sichuan hot pot, dandan mian, ganbian sijidou o dry stir-fried bean, at marami pang iba. Lahat po ng mga pagkaing ito ay maanghang at magugustuhan ng ating mga kababayang mula sa Bicol region.

  • 3. Jiangsu Cuisine 苏菜 Sūcài.

Pagkaing Tsino

Ang mga pagkain sa kategoryang ito ay sariwa, maalat-alat, at manamis-namis. Ginagamit dito ang eksaktong paraan ng pagluluto, at kadalasang may rekadong pagkaing-dagat, may sopas, at mayroon ding artistic, at makulay na pagkaka-ayos. Ang probinsyang Jiangsu at lunsod Shanghai ay mayroong very refined na gourmet cuisinena laging inihahanda sa mga handaang pampamahalaan. Espesyal ito dahil sa katangi-tanging paraan ng pagluluto na nagpo-prodyus ng mayaman, mabango at artistikong presentasyon. Kilala rin ang kategoryang ito sa pagiging mainam sa katawan. Ilan sa mga sikat na pagkain sa kategoryang ito ay: water melon chicken, brine-boiled duck, sweet and sour mandarin fish, duck wrapped in shark fins, fireside broth, dumpling na may sabaw sa loob, piniritong siopao, at iba pa.

Kalendaryo

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino