Yuri Cruel Bergado: Serbisyong laging may ngiti

2016-08-24 17:01:16

Kasalukuyang isa sa apat na Pilipinong nagtatrabaho sa Annie's, Italian restaurant chain sa Beijing, si Yuri Cruel Bergado. Service Manager si Yuri Bergado sa Ritan branch ng kilalang restoran. Bagong yugto ito ng kanyang mahabang karera sa service industry na nagsimula noong 1997 sa bansang Saudi Arabia.

Si Yuri Cruel Bergado, Service Manager sa Ritan branch ng Annie’s Italian restaurant

Si Yuri Cruel Bergado, Service Manager sa Ritan branch ng Annie’s Italian restaurant

Edad 27 lang si Yuri Bergado nang magdesisyong subukin ang kapalaran sa ibang bansa. Di kayang tustusan ng kanyang trabaho sa Masbate ang lumalaking pamilya kaya naglakas loob siyang pumunta ng Saudi Arabia. Pitong taon din siyang nagtrabaho dito. Nang makaipon muling bumalik sa Pilipinas at nagtayo ng sariling negosyo. Tatlong taon makalipas, di lumago ang sariling karaoke bar at di rin kumita ang naging negosyo sa pangingisda. Dala ng kagustuhang maayos na itaguyod ang pamilya, muling nangibang bayan si Ginoong Bergado. Sa pangalawang sabak bilang OFW, Tsina ang bansang kanyang naging destinasyon. Sinubukan niyang magturo dahil may diploma naman siya sa edukasyon, pero wala dito ang puso niya.

Ano ba ang trabahong nagbibigay ng kasiyahan sa kanya? Sa Beijing sinuwerte siyang makapasok sa isang fine dining European restaurant at dito niya ipinakita ang kakayahan sa larangan ng restaurant service. Gamit ang karanasan sa gitnang silangan, sinamahan pa ng masigasig na pagtatrabaho, di lumaon ay umangat siya mula sa pagiging waiter at matapos ang limang taon siya ay naging manager.

Yuri Cruel Bergado: Serbisyong laging may ngiti

Aniya nakapokus lang siya sa trabaho at laging nasa isip ang misyon sa buhay: ang mapagtapos sa pag-aaral ang kanyang tatlong anak.

Sa loob ng siyam na taon, tatlong kumpanya na ang kanyang napasukan sa Beijing. Kumusta naman ang kanyang misyon? Kwento niya sa panayam, awa ng Diyos lahat ng kanyang mga anak ay nakapagtapos na. Kaya sa bagong trabaho sa Annie's ramdam ang kanyang sigla.

Si Yuri Cruel Bergado, kasama si Mac Ramos ng Serbisyo Filipino ng CRI

Si Yuri Cruel Bergado, kasama si Mac Ramos ng Serbisyo Filipino ng CRI

Pinaka importante ang pasyensya para kay Yuri Bergado dahil sari-sari ang taong nakakasalamuha at mahalagang masaya sila sa serbisyo ng restoran. Palasak man, di niya limot ang kasabihang “Always Serve with a Smile.” Aniya pa malayo ang nararating ng pagiging magalang. At ang paggalang na ito ay nangangahulugan ding dapat iwasan ang pagiging astig sa mga katrabaho o maging sa amo. Lagi niyang iginigiit na importante ang respeto lalo pa't isa siyang dayuhang nangangamuhan.

Pakinggan ang programang Mga Pinoy sa Tsina at alamin sa panayam ni Mac Ramos ang iba pang payo ni Yuri Bergado para sa kapwa niya OFW na nakikipagsapalaran sa ibang bansa at ang mariing paalala sa mga kababayang nais magtrabaho sa Tsina.

Kalendaryo

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino