Selebrasyon ng Ika-50 Anibersaryo ng ASEAN, idinaos sa Embahadang Indones sa Beijing: Embahador Pilipino, nagtalumpati

2017-08-08 19:19:11 CRI CRI

Seremonya ng pagtataas ng bandilang ASEAN

Beijing, Tsina - Isang seremonya ng pagtataas ng bandila ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at simpleng salu-salo ang idinaos kaninang umaga, Agosto 8, 2017, sa Embahada ng Indonesia bilang selebrasyon sa Ika-50 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng ASEAN.

Mga embahador at mga dialoguepartner ng ASEAN

Embahador Jose Santigo Sta Romana (ika-2 mula sa kaliwa) habang nanonood ng kultural na pagtatanghal saEmbahada ng Indonesia sa Beijing

Bilang kasalukuyang Tagapangulo ng ASEAN Committee-Beijing, inimbitahan ni Embahador Soegeng Rahardjo, Sugong Indones sa Tsina ang lahat ng embahador mula sa mga bansang ASEAN, dialogue partners ng ASEAN, matataas na opisyal ng mga may-kinalamang sangay ng Pamahalaang Tsino, media, at iba pang mga kaibigan para sa nasabing pagtitipon.

Embahador Soegeng Rahardjo ng Indonesia

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Rahardjo na ang ASEAN ay isa na ngayon sa mga nangungunang organisasyong pandaigdig, na gumanap ng importanteng papel sa paghubog ng rehiyonal na kaayusan, at pagkakaroon ng kapayapaan at katatagan sa rehiyong Asya Pasipiko.

Sa kasalukuyang pagdiriwang ng pagkakatatag ng ASEAN, kailangan aniyang ipagpatuloy ang paghahanap ng mga bagong oportunidad upang mapabuti ang buhay ng mga mamamayang ASEAN, sa pamamagitan ng mas pinaigting na paggagalugad sa mga komong layunin, paggapi sa mga hamon sa mapayapang paraan, at pagpapahigpit ng pagpapalitan ng mga mamamayan.

Embahador Joe Santiago Sta Romanang Pilipinas

Sa kabilang dako, binasa naman ni Embahador Jose Santiago Sta Romana, Sugo ng Pilipinas sa Tsina ang mensahe ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa Ika-50 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng ASEAN.

Sa nasabing mensahe, sinabi ni Pangulong Duterte na ikinararangal ng Pilipinas ang pagiging Tagapangulo ng ASEAN sa taong ito.

Nagbibigay-pugay aniya siya sa lahat ng naglatag ng pundasyon at walang-sawang nagtrabaho upang makamtan ang kolektibong pangarap at aspirasyon ng ASEAN.

Ani Duterte, nakikilahok ang buong Sambayanang Pilipino, kasama ng mga kapatid mula sa Timog-silangang Asya sa muling pagpapatibay ng pangako sa pagtatayo ng isang ASEAN para sa positibong pagbabago sa buhay ng mga mamamayan – isang ASEAN na proaktibo, napapanahon, at transpormatibo.

"Panahon na para sa ASEAN upang gumanap ng natatanging papel at igiit ang posisyon nito sa komunidad ng daigdig."

Dagdag ni Duterte, narating ng ASEAN ang kinaroronan nito ngayon dahil sa "Kaparaanang ASEAN," at ang paraang ito ang siya ring lakas-tagapagsulong sa pagkakamit ng mga komong mithiin ng mga mamamayang ASEAN.

"Ipagpapatuloy ng Pilipinas ang pagpupunyagi, kasama ng mga kapatid sa ASEAN upang isigurado na makakamit ng mga mamamayan ng rehiyong ito ang pag-unlad, habang sumusulong bilang katuwang sa positibong pagbabago sa susunod pang 50 taon."

Kalendaryo

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino