Pagtutulungang pampalakasan ng Pilipinas at Tsina, palalakasin: embahador Pilipino

2018-04-27 17:11:18 CRI

Nagtalumpati si Prof. Dr. Zhong Bingshu, President ng CUPES

Beijing, Tsina – Sa pagdaraos Huwebes, Abril 26, 2018 ng "Sports Forum for Ambassadors to China from Belt and Road Countries," sa Capital University of Physical Education and Sports (CUPES), ipinahayag ni Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, na mayroong Memorandum of Understanding (MOU) ang Pilipinas at Tsina hinggil sa kooperasyong pampalakasan, na nilagdaan, Pebrero 2017 at may bisa sa loob ng 4 na taon.

Si Prof. Zhong Qingjie, Director ng Sports Exchange Research Center ng China Foreign Affairs University ay nangulo sa aktibidad

Ayon sa naturang MOU, ine-enkorahe ang mga organisasyong pampalakasan ng Pilipinas at Tsina na pahigpitin ang kanilang kooperasyon sa internasyonal na usaping pampalakasan, pagsali ng mga atleta ng dalawang bansa sa mga internasyonal na kompetisyong idinaraos sa Pilipinas at Tsina, at palakasin ang pagpapalitan sa pagitan ng mga espesyalista sa palakasan ng dalawang bansa.

Bumigkas ng talumpati si Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina

Naniniwala si Sta. Romana na magandang plataporma ang nasabing MOU para matutunan ng mga coach at atletang Pilipino ang mga pag-unlad at kaalaman mula sa Tsina, palakasin ang pagpapalitan ng mga atleta ng dalawang bansa, at marami pang iba.

Bagamat, sumasali ang Pilipinas sa mga internasyonal na kompetisyong pampalakasan, at magagaling at pursigido ang mga atletang Pilipino upang magkamit ng medalya at karangalan para sa Pilipinas, hindi aniya sapat ang mga ito upang masungkit ang pinaka-inaasam na medalyang ginto mula sa Olimpiyada.

Dagdag pa niya, sa 2017 Southeast Asian Games na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia, pang-anim lamang ang Pilipinas sa talaan ng medalya.

Samanatala, sa huling Asian Games na idinaos sa Timog Korea noong 2014, 15 medalya lamang aniya ang nakuha ng Pilipinas at ika-22 sa talaan ng medalya.

Ang Tsina ang nasa unang puwesto sa talaan ng medalya, sa kompetisyong iyon, anang embahador.

Mga guro at estudyante ng CUPES ang kalahok sa aktibidad

 Dagdag ni Sta. Roaman, isa sa mga nangungunang bansa sa daigdig, sa larangan ng palakasan ang Tsina, at marami aniyang kailangang matututunan ang Pilipinas sa mga karanasang natamo ng Tsina sa larangan ng palakasan.

"Ang Tsina ay maikokonsidera bilang sports superpower," sabi ng embahador Pilipino.

Makikita aniya ang malaking pag-unlad na nakamtan ng Tsina sa maraming internasyonal na kompetisyon, tulad ng Summer at Winter Olympics, Asian Games at marami pang iba.

Ang pagtutulungan ng Pilipinas at Tsina sa larangang ito ay makakapagsigla nang malaki sa pag-a-upgrade sa abilidad at kaalaman ng mga coach at atletang Pilipino, at makapagtayo ng mga makabagong pasilidad na pampalakasan sa Pilipinas, aniya.

Ani Sta. Romana, ito ay magtataas sa kalidad ng abilidad ng mga atletang Pilipino na sumasali sa mga internasyonal na kompetisyon.

Kalendaryo

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino