Mga sugo ng 10 bansang ASEAN, kinatagpo ng kasangguni ng estado ng Tsina; Relasyong Tsino-ASEAN, pahihigpitin

2018-10-23 16:04:59 CRI

Kinatagpo ngayong araw sa Beijing ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina ang mga embahador ng sampung bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Hiniling ni Wang sa mga sugong ASEAN na samantalahin ang ika-15 anibersaryo ng pagkakatatag ng estratehikong partnership ng Tsina at ASEAN sa taong ito para maiangat sa bagong antas ang relasyon ng dalawang panig. Inulit din ni Wang ang patuloy na pagkatig ng Tsina sa konstruksyon ng ASEAN Community at pagganap ng ASEAN ng sentral na papel sa mga pagtutulungang panrehiyon. Ipinahayag din ni Wang ang kahandaan ng Tsina na palakasin ang ugnayan sa pagitan ng Belt and Road Initiative at ASEAN Vision 2025 para maisagawa ang mas maraming pagtutulungang angkop sa pangangailangan ng magkabilang panig.

Ipinahayag naman ng mga sugong ASEAN na ang relasyon ng ASEAN at Tsina ay ang pinakamasiglang relasyong panlabas ng ASEAN. Nakahanda anila silang palalimin ang pagtutulungan sa pulitika, kabuhayan, kalakalan, kultura, at iba pa.

Nagkasundo ang dalawang panig na magkasamang pangalagaan ang multilateralismo at sistema ng malayang kalakalan kung saan ang World Trade Organization (WTO) ay gumaganap ng nukleong papel.

Kaugnay ng isyu ng South China Sea (SCS), nagkaisa ang Tsina't ASEAN na dahil sa magkakasamang pagsisikap, nananatiling matatag ang kalagayan ng SCS. Kinilala rin nila ang napakahalagang katuturan ng kanilang narating na single negotiating text ng Code of Conduct in the South China Sea (COC). Nakahanda anila silang patuloy na magsikap para mapasulong ang pagkakaroon ng bagong progreso hinggil sa talastasan.

Salin: Jade
Pulido: Rhio

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino