Komentaryo: Pagsisikap ng Tsina para sa pandaigdigang inklusibong pag-unlad, itutuloy

2018-10-05 15:46:40 CRI

Sa kanyang talumpati sa katatapos na Ika-73 Sesyon ng Pangkalahatang Asemblea ng United Nations (UNGA), muling ipinagdiinan ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos ang patakarang panlabas na "America First," at tinanggihan ang pandaigdig na pangangasiwa. Pinuna ito ng mga kalahok na lider na kinabibilangan ng mga kaalyado ng Amerika.

Nanawagan naman si Antonio Guterres, Pangkalahatang Kalihim ng UN sa mga kalahok na lider at kinatawan na patingkarin ang diwa ng kooperasyon para resolbahan ang mga isyung pandaigdig, batay sa tema ng sesyon na "Making the United Nations Relevant to All People: Global Leadership and Shared Responsibilities for Peaceful, Equitable and Sustainable Societies."

Bilang tugon sa unilateralismo na humahadlang sa pandaigdig na kooperasyon at pangangasiwa, iniharap ng Tsina ang Belt and Road Initiative (BRI) para sa komong kasaganaan noong 2013. Kaugnay nito, sa panayam ng may-akdang ito dalawang taon na ang nakaraan, sinabi ni Robert Kuhn, kilalang dalubhasang Amerikano na sa pamamagitan ng pagharap ng BRI, sa kauna-unahang pagkakataon, kusang aktibong nakilahok ang Tsina sa mga suliraning pandaigdig. Ang BRI ay nagsisilbi aniyang mahalagang ambag para sa panlahat na pag-unlad ng daigdig.

Sa sidelines ng katatapos na sesyon ng UNGA, sinabi ni Peter Szijjarto, Ministro ng Suliraning Panlabas at Kalakalan ng Hungary sa mga media na Tsino na bunga ng BRI, sa kasalukuyan, ang mga pondo, kasama ng hay-tek mula sa silangan, lalo na mula sa Tsina ay pumapasok sa mga pamilihan sa kanluran. Noon, ang daloy ng kapital ay mula sa kanluran patungong silangan.

Noong unang araw ng buwang ito, pinasinayaan ng pamahalaan ng Italya ang Task Force China na pinamumunuan ni Michele Geraci, Pangalawang Ministro ng Pag-unlad na Pangkabuhayan ng Italya. Ang pangunahing tungkulin ng Task Force China ay pasulungin at ipatupad ang mga kooperatibong proyektong pangkabuhaya't pangkalakalan ng Italya at Tsina, lalo na mga proyektong may kinalaman sa BRI at mga proyekto sa Aprika.

Pasinaya ng Task Force China sa Ministri ng Pag-unlad na Pangkabuhayan ng Italya (CRI/Yin Xin)

Ayon sa isang ulat na inilabas nitong nagdaang Setyembre ng Brookings Institution, kilalang think tank na nakabase sa Amerika, ang mga proyektong pangkaunlaran ng Tsina ay maaaring maglatag ng landas para sa inklusibong paglaki ng daigdig. Sa pagsusuri at pagtaya sa 4,300 proyektong may puhunang Tsino sa 138 bansa, ipinalalagay ng ulat na sa kabuuan, ang mga proyektong Tsino ay nagdulot ng dibidendo sa paglaki ng kabuhayan ng nasabing mga bansa. Anang din ng ulat, dalawang taon makaraang aprubahan ang puhunang Tsino, kung magdodoble ang Tsina ng puhunan nito, mag-aambag ito ng karaniwang 0.4% paglaki ng kabuhayan ng mga bansa.

Ngayong taon ay ika-40 anibersaryo ng pagsasagawa ng Tsina ng reporma't pagbubukas sa labas. Sa okasyong ito, nangako ang pamahalaang Tsino na ibayong magbubukas sa labas ang bansa. Ang ibayo pang pagbubukas ng Tsina ay magdudulot ng mas maraming pagkakataon para sa daigdig.

Puwertong Piraeus ng Gresya, ikalawang pinakamalaking daungan sa Mediterranean, saksi sa magkasamang pagpapasulong ng Tsina't Gresya ng BRI (CRI/Li Lin)

Salin: Jade

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino