Yang Jiechi at John Bolton, nag-usap: pagpapalitan at kooperasyon, komong hangarin ng Tsina at Amerika

2018-11-08 13:49:30 CRI

Nag-usap Nobyembre 7, 2018 sa Washington D.C sina Yang Jiechi, Puno ng Tanggapan ng Komisyon ng Ugnayang Panlabas ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at John Bolton, National Security Adviser ng Amerika.

Ipinahayag ni Yang na ang pagpapahigpit ng estratehikong pagtitiwalaan ay magsisilbing batayan sa pagsasakatuparan ng pangmatagalang pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano. Aniya, magdudulot ng pagkakataon sa isa't isa ang kaunlarang pangkabuhayan ng Tsina at kasaganaang pangkabuhayan ng Amerika. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng Amerika para maisakatuparan ang situwasyong walang sagupaan, walang komprontasyon, may paggalang sa isa't-isa, at win-win cooperation. Umaasa aniya siyang maayos na malulutas ang mga problema ng dalawang panig sa pamamagitan ng pantay na diyalogo. Nais din ni Yang na pahigpitin pa ang pagtutulungan sa mga bilateral na larangan at mga isyung panrehiyon at pandaigdig. Ito aniya'y angkop sa komong interes ng mga mamamayan ng dalawang bansa at daigdig.

Ipinahayag naman ni Bolton na nananabik si Pangulong Donald Trump ng Amerika sa pakikipag-usap kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa gagawing G20 Summit na nakatakdang idaos sa Argentina. Nakahanda aniyang pahigpitin ng Amerika ang pakikipagpalitan sa Tsina, para pasulungin ang natamong tagumpay ng nasabing pag-uusap. Aniya, bilang preparasyon sa nasabing pag-uusap sa Argentina, ang pagdaraos ng ikalawang round ng diyalogong diplomatiko at panseguridad ng Tsina at Amerika ay makakatulong sa pagpapalakas ng estratehikong pagtitiwalaan ng dalawang panig.


Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino