CRI Komentaryo: Pagsasanggunian sa kalakalan ng Tsina at Amerika, pumasok sa "final sprint"

2019-02-23 19:25:30 CRI

Sa kasalukuyan, idinaraos sa Washington D.C. ang ika-7 round ng pagsasanggunian sa mataas na antas ng Tsina at Amerika hinggil sa mga isyung pangkabuhaya't pangkalakalan. Ayon sa ulat, natamo ng dalawang panig ang positibong progreso sa mga aspektong gaya ng pagkabalanse sa kalakalan, agrikultura, paglilipat ng teknolohiya, pangangalaga sa Intellectual Property Rights, serbisyong pinansyal, at iba pa. Samantala, marami pang gawain ang kailangang tupdin, kaya ipinasiya ng kapwa panig na palawigin nang dalawang araw ang pagsasanggunian.

Kalahok sa pagsasanggunian si Liu He, Espesyal na Sugo ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, Kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina, Pangalawang Premyer ng bansa, at Puno ng panig Tsino sa komprehensibong diyalogong pangkabuhayan sa Amerika. Kahapon, Biyernes, ika-22 ng Pebrero 2019, kinatagpo naman siya sa White House, ni Pangulong Donald Trump ng Amerika.

Sa pagtatagpo, iniabot ni Liu ang mensahe ni Xi kay Trump, kung saan ipinahayag ng pangulong Tsino ang pag-asang mararating sa pagsasanggunian ang kasunduang may mutuwal na kapakinabangan at win-win result. Sinabi rin ni Liu, na sa susunod, pag-iibayuhin ng dalawang panig ang pagsisikap, para pasulungin ang pagsasanggunian.

Ipinahayag naman ni Trump ang pananalig, na sa bandang huli, mararating ng dalawang panig ang isang mahalagang kasunduang makakabuti sa kapwa bansa. Ipinahayag din niya ang pananabik sa pakikipagtagpo kay Xi sa malapit na hinaharap, para saksihan ang makasaysayang sandali ng relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Amerika at Tsina.

Sapul nang isagawa ng Tsina at Amerika ang pagsasanggunian sa mataas na antas hinggil sa mga isyung pangkabuhaya't pangkalakalan, ito ang kauna-unahang pagkakataong pinalawig ng dalawang panig ang pagsasanggunian. Ipinakikita nitong, batay sa natamong mga positibong progreso, pumasok na ang pagsasanggunian sa pinakamasusi at pinakamahirap na yugto, para magkaroon ng pagkasundo bago ang taning na itinakda ng mga lider ng dalawang bansa.

Kung lalapit sa destinasyon, dapat pag-ibayuhin ang pagsisikap. Sa pamamagitan ng pagpapalawig ng pagsasanggunian, nagkakaroon ang dalawang panig ng mas maraming panahon, para mas malalim na magpalitan ng palagay, at mas mataimtim na isaalang-alang ang iba't ibang isyu. Makakabuti rin ito sa pagpapasulong sa pagkakaroon ng kasunduan at pagpapatupad ng kasunduan sa hinaharap.

Sa kasalukuyan, parang nasa yugto ng "final sprint" ang panig Tsino at Amerikano para sa pagsasanggunian hinggil sa mga isyung pangkabuhaya't pangkalakalan, at nakikita rin ang malaking pagsisikap ng kapwa panig para matamo ang positibong bunga sa bandang huli.

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino