PNP chief, tumangging mamamatay tao ang mga pulis

2016-08-23 18:33:33

 

TUMANGGI si PNP chief Director General Ronald dela Rosa sa mga akusasyong mamamatay tao ang mga pulis.  Ito ang kanyang sinabi sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa ikalawang araw ng pagdinig kanina.

Hiningan ng paliwanag ni Senador Gregorio Honasan II, isang kapwa nagtapos sa Philippine Military Academy si General dela Rosa hinggil sa kanyang pagkasiphayo sa unang araw ng pagdinig sa tanong ni Senador Antonio Trillanes IV na palitan ang mga pulis na hindi makapipigil sa mga pagpaslang sa kanilang nasasakupan.

Sinabi ni General dela Rosa na nais nilang gampanan ang kanilang gawain at nagbubuwis na rin ng buhay ang mga tauhan subalit nagkakakaso pa rin sa mga hukuman.  Mas makabubuting ibalanse umano ang pagtrato sa mga pulis, dagdag pa ni General dela Rosa.

Nalulungkot umano siya sapagkat kahit nagtatagumpay ang pulisya laban sa droga, ilang sektor ang nagtatampok sa kanila bilang mga kalaban.

Inamin din ng pinuno ng pulisya na ang pagkakaso sa kanyang mga tauhan ay isang mahirap na gawain sapagkat mayroon ng kasong murder laban kina PO2 Alipio Balo, Jr. at PO1 Michael Tomas, ang mga pulis na diumano'y pumaslang sa pusher na si Jaypee Berte at sa kanyang amang si Renato na nagtangkang mangagaw ng kanilang baril noong ika-pito ng Hulyo.


Kalendaryo

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino