Hindi malulutas ang drug addiction sa pamamagitan ng pagpatay

2016-08-30 11:54:40

NANINIWALA si Fr. Luciano Feloni, isang paring tubo sa Argentina na hindi matatapos ang problema ng drug addiction sa pamamagitan ng pagpaslang. Kailangan ng isang malawakang programang tutulong na maibalik ang drug dependents sa lipunan.

Sa isang panayam sa kanyang simbahan sa Camarin, Caloocan City, sinabi ni Fr. Feloni na mula ng maproklamang pangulo ng bansa si Pangulong Duterte, karaniwang napapaslang ang mga tatlo hanggang lima katao sa kanilang parokyang nasasakupan.

Mga naka-motorsiklo ang nagsasagawa ng paslang. Ipinaliwanag niyang nababatid nila ang pangyayaring ito sapagkat lumalapit ang mga naulila sa kanila at humihiling na pagmisahan ang napatay.

Nagsimula silang magtanong kung ano ang magagawa upang makatulong sa pamahalaan at sa lipunan kaya't naisipan nilang maglunsad ng programang “Healing not Killing” sa kanilang parokya. Gagawin ito sa darating na Huwebes at dadaluhan ng iba't ibang sektor ng lipunan mula sa kanilang obispo hanggang sa kanilang punong-lunsod at kinatawan ng kanilang distrito sa House of Representatives.

Para kay Fr. Feloni, napakababaw ng programang pagpapasuko at bahala na ang drug dependents kung babalik pa sila sa droga. Kulang ang ganitong programa sapagkat kailangang patibayin ang pamilya, bigyan ng bagong hanapbuhay ang mga drug dependent at drug pusher, pagsasailalim sa detoxification program sa pamamagitan ng mga manggagamot at mga psychiatrist at pagpapalakas ng kanilang pananamplataya.

Niliwanag pa niya na kasama ng pamahalaan ang Simbahan sa pagsugpo sa illegal drugs subalit hindi kailanman papayag ang Simbahan na magpatuloy ang mga pagpaslang.

Si Bishop Antonio Tobias ng Diocese of Novaliches ang magpapahiram ng dalawang lote sa pamahalaan ng Quezon City upang pagtayuan ng rehabilitation centers. Ang lease agreement ay walang bayad, dagdag pa ni Fr. Feloni.

Mahirap umanong lumakas pa ang sindikato ng droga sa bansa sapagkat nakikita na ang masamang epekto nito sa pamamagitan ng narcopolitics na nagaganap sa South at Central America.

Kalendaryo

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino