Pamahalaan, nararapat liwanagin ang direksyon sa minahan

2016-10-10 18:53:08

NANAWAGAN ang mga kinatawan ng industriya ng minahan sa Pilipinas sa pamahalaan na maging maliwanag sa kanilang direksyon para sa industriya sapagkat nabubulabog ang mga manggagawa, mga may kumpanya pati na rin ang shareholders na mayroong maliliit na stocks o investment sa mga kumpanyang ito.

Ito ang lumabas mula kina Atty. Ronald Recidoro ng Chamber of Mines of the Philippines, Mr. Jose P. Leviste, Jr., chairman ng OceanaGold at Mr. Jose Bayani "JB" Baylon ng NickelAsia na dumalo sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga.

Ayon kay Atty. Recidoro, hindi nila mawari na kinikilala ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang responsible mining, kakaiba naman ang namumutawi sa mga labi ni Environment and Natural Resources Secretary Regina "Gina" Lopez na walang bilib sa ISO certification ng mga kumpanya.

Ikinalungkot din ni G. Leviste na mahirap unawain kung paano nasira ang kanilang pangalan sa idinaos na press conference ni Bb. Gina Lopez na nagsasabing may 20 mga kumpanyang napipintong masuspinde sa madaling panahon.

Ani G. Leviste, nabanggit ang kanilang kumpanya kaya't bumaba ang kanilang shares of stock kahit wala pang papel na natatanggap mula sa tanggapan ni Bb. Lopez kung ano ang kailangan nilang gawin upang makatugon sa pangangailangan ng kaayusan sa pagmimina.

Ikinalungkot din ito ni G. Baylon sapagkat nasira na ang imahen ng maraming kumpanya dahilan lamang sa isang press conference.

Sa panig ni G. Leviste, bagama't mayroong mga dalubhasang mula sa Mines and Geosciences Bureau at Environmental Management Bureau, ipinagtataka niya kung bakit nakasama sa lupon ang mga taong likas na kontra sa pagmimina na nagmula sa Alyansa Tigil Mina.

Ipinagtanong din ni G. Baylon kung bakit lubhang nakatuon ang pansin ni Bb. Lopez sa mga minahan samantalang wala man lang naririnig hinggil sa illegal logging at iba pang paglapastangan sa kalikasan.

Lumabas din sa talakayan na ang mga patuloy na lumalabag sa batas ay 'di ang malalaking minahan kungdi ang mga small scale mining na kadalasa'y pag-aari ng mga opisyal ng pamahalaang-lokal, mga kawal o mga pulis na nakakalat sa iba't ibang bahagi ng bansa.

May kinabukasan ang industriya ng pagmimina kung liliwanagin lamang ng pamahalaan ang pinakaprograma nito upang maisulong ang responsible mining.

Kalendaryo

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino