Mga manggagawa, nahihirapan sa mga nagaganap sa bansa

2017-04-27 18:09:24

 

NAGKAKAISANG sinabi ng mga pinuno ng Kilusang Mayo Uno, Federation of Free Workers, Lakas Manggagawa Labor Center at maging ng University of the Philippines School of Labor and Industrial Relations na patuloy na nababawasan ang halaga ng kita ng mga manggagawa.


Sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido, sinabi nina Ivan Cantong ng KMU, Atty. Sonny Matula ng FFW at G. Dave Diwa ng Lakas Manggagawa Labor Center na sa likod ng balitang may magandang takbo ng ekonomiya, hirap pa rin ang mga manggagawa.


Ayon kay Atty. Matula, kung noong 2005 ay mayroong 500,000 manggagawa na saklaw ng Collective Bargaining Agreement, noong 2012 ay umabot na lamang sa 210,000 ang nakikinabang sa CBA.  Noon ding 2005, mayroong 1.2 hanggang 1.5 milyon ang kasapi ng mga unyon.


Maganda naman ang nagawa ni Pangulong Duterte sa paglalaan ng dagdag na P1,000 pensyon sa mga kasapi ng Social Security System.


Ibinalita naman ni G. Cantong na nagkaroon ng siyam na welga mula ng maupo si Pangulong Duterte at may naitalang 57 paglabag sa karapatang pangtao laban sa mga organizer ng mga manggagawa.  Isa sa kanilang mga kasama ang napaslang sa Negros ng mga pinaniniwalaang kawal.


Ikinalungkot naman ni G. Diwa na nawawalan ng halaga ang kita ng mga manggagawa dahil sa pagtaaas ng petrolyo.


Isang malaking hamon kay Pangulong Duterte ang pagpapasa ng Magna Carta para sa mga manggagawa upang mabigyan ng halaga ang kahulugan ng hustisyang panglipunan.  Nararapat lamang mag-organisa ang mga magsasaka, mga mangingisda at iba pang nasa informal sector upang makipag-usap sila sa pamahalaan at mabigyan ng kaukulang atensyon.


Sa panig ng pamahalaan, sinabi ni Assistant Secretary Alex Avila ng Department of Labor and Employment, napapaloob sa eight-point economic agenda ni Pangulong Duterte ang kalagayan ng mga manggagawa.  Binanggit niya ang pangakong matuldukan ang kontraktuwalisasyon.


Sa pagkakaroon ng iisang economic community sa pamamagitan ng ASEAN, sinabi ni G. Avila na makikinabang ang mga manggagawang Filipino sa paglalakbay tungo sa mga kalapit bansa upang maghanapbuhay.


Nangangamba naman si G. Diwa na mapapasubo ang manggagawang Filipino sapagkat tatanggap ng mas murang sahod ang mga manggagawa mula sa ibang bansang mas mahirap ang kalagayan kaysa Pilipinas. 


Sa pagpasok ng mga Filipino sa mga kalapit bansa, tiyak na magbubukas din ng lagusan para sa mga banyagang manggagawa, dagdag pa ni D. Diwa.



Kalendaryo

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino