ASEAN Summit, sinimulan na

2017-04-30 11:35:14 CRI CRI

ASEAN SUMMIT, MATAGUMPAY. Ito ang sinabi ni Pangulong Duterte na tagumpay ang pagpupulong hinggil sa mga paraan ng pagpapaunald sa ASEAN. Kuha ang larawan sa Cultural Center of the Philippines, isa sa mga landmark sa Maynila. (Melo M. Acuna)

PORMAL na binuksan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang ika-30 ASEAN Summit sa Philippine International Convention Center kaninang umaga.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni G. Duterte na ginugunita ang pagkakatatag ng samahan may 50 taon na ang nakalilipas kasama ang mga nagkakaisang layunin at panaginip at ang mga hamon at suliraning hinarap nito.

Noong ikawalo ng Agosto, 1967, ginawang sandigan ng mga nagtatag ang kahalagahan ng pagkakaisa, pakikiisa at pakikipagtulungan. Pinahahalagahan at itinataguyod din ang itinatadhana ng International Law na paggalang sa kalayaan ng kapwa bansa, pagiging kapantay, kasagraduhan ng nasasakupan at hindi pakiki-alam sa mga nagaganap sa kalapit-bansa.

Nanatili ang mainit na pagkakaibigan ng mga magkakalapit-bansa kahit pa magkakaiba ang kalakaran at paniniwala ng mga mamamayan. Ipinaliwanag pa ni G. Duterte na mangilan-ngilan lamang ang 'di pagkakaunawaan kaysa mga nakamtan ng samahan.

Binanggit ni Pangulong Duterte ang kanyang pagdalaw sa mga kapwa pinuno ng bansa sa ASEAN at napag-usapan ang mahahalagang isyu sa bilateral level. Sa ASEAN, mapapag-usapan din ang mga mahahalagang isyu na bumabalot sa rehiyon.

Layunin ng mga mamamayang magkaroon ng matatag na hanapbuhay, maayos na matitirhan, magkaroon ng de kalidad na edukasyon, makakayanang pagpapagamot at isang payapa at matatag na pamahalaan at masiglang ekonomiya.

Ito umano ang mga pamantayan ng mga mamamayan ng iba't ibang bansa sa rehiyon at mahuhusgahan ang mga namumuno sa ASEAN kung ano ang kahihinatnan ng mga mamamayan sa mga susunod na taon.

Nangangailangan din ng tulong ang mga migranteng mamamayan sapagkat isinusugal nila ang kanilang buhay para sa kanilang mga pamilya.

MGA DEMONSTRADOR, DI NAKALAPIT SA PICC. Hinarangan ng mga pulis ang mga demonstrador na nagsusulong ng iba't ibang adhikain sa paglapit sa Philippine International Convention Center kanina. (Melo M. Acuna)

MGA PULIS AT KAWAL, KALAT SA METRO MANILA. Bahagi ang mga tauhang ito ng pulisya sa 41,000 kataong itinalaga sa Metro Manila mula nog Miyerkoles para sa ASEAN Summit. (Melo M. Acuna)

MGA KAWAL, MAY SAPAT NG KAGAMITAN. Kasama ang light tank na ito sa nakakalat sa paligid ng Philippine International Convention Center para sa ASEAN 2017 Summit meeting. (Melo M. Acuna)

Nahaharap din ang rehiyon sa tradisyunal at 'di-tradisyunal na security issues na patuloy na sumusubok sa kakayahan ng ASEAN na isulong ang kapayapaan, katatagan at seguridad kasabay ng kaunlaran sa rehiyon. Nahaharap din ang rehiyon sa mga tinaguriang geopolitical at strategic developments.

Nanawagan din siya sa mga kapwa niya pinuno ng ASEAN na sugpuin ang salot ng droga. Binanggit din niya ang pamimirata at mga pagnanakaw sa karagatan na makasasama sa pandaigdigang kalakal.

Ang terrorismo at extremism ay nangangailangan ng ibayong pagtutulungan upang mapanatiling ligtas ang mga mamamayan at sambayanan.

Sa kanyang talumpati, isinulong niya ang micro-small-medium enterprises at mapalad ang rehiyon sa pakikipagtulungan ng mga mangangalakal. Nagpasalamat din siya sa mga kalapit-bansa sa tulong na ipinarating ng tamaan ng malakas na bagyong "Yolanda" noong 2013. Malaki pa umano ang potensyal ng rehiyon at makakamtan ito sa pamamagitan ng pagtutulungan.

Kalendaryo

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino