ASEAN Regional Forum, angkop sa pag-uusap

2017-08-03 18:26:51

MALIBAN sa United Nations, ang ASEAN Region Forum ang isang magandang pagkakataon ang paghaharap ng mga bansang nasa Asia at ibang bahagi ng daigdig upang pag-usapan ang mga pangamba hinggil sa ginagawang pagsubok ng mga sandatang nuklear ng Democratic People's Republic of Korea.

Ito ang tugon ni G. Robespierre Bolivar, tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs ng Pilipinas sa isang media briefing sa Conrad Hotel ngayong hapon.

Ito ang kanyang reaksyon sa kahilingan ng Estados Unidos na huwag nang payagang lumahok sa pagpupulong sa Maynila ang Democratic People's Republic of Korea dahil sa mga ginagawa nitong labag sa mga alituntunin ng pandaigdigang komunidad.

Ipinaliwanag ni G. Bolivar na sa pagpupulong na magaganap sa susunod na mga araw sa Maynila, magsasama-sama ang mga foreign minister ng Democratic People's Republic of Korea, South Korea, Japan, Tsina, Russia, Estados Unidos, ang European Union at ASEAN na kapwa nagsusulong ng malayang talakayan ng mga nagaganap sa rehiyon at sa daigdig.

Idinagdag pa ni G. Bolivar na ang ASEAN ay lubhang nababahala sa mga nagaganap sa Korean Peninsula kaya't naglabas ng matinding pagpuna sa ginagawa ng pamahalaan ni G. Kim Jong Un noong mga nakalipas na buwan.

Bukod sa mga pahayag ng pagkabahala, makabubuting makatagpo ng mga paraan upang magkaroon ng makabuluhan at magandang pagkakataon upang makapagpatuloy ang mga pag-uusap.

Kahit umano si Pangulong Duterte ay nababahala sa nagaganap sa Korean Peninsula sapagkat mayroong mga 50,000 mga Filipino sa Timog Korea.  Malapit lamang ang Pilipinas sa Korean Peninsula kaya't nababahala rin sa magaganap sa paglipad ng mga eroplano sa Philippine airspace.

Sa tanong kung marapat bang pagbawalan ang Democratic People's Republic of Korea na lumahok sa pagpupulong, sinabi ni G. Bolivar na wala sa alituntunin ng ASEAN Regional Forum ang pagpapatalsik sa kasama sa mga pag-uusap at tanging paanyaya lamang ang pinapayagan.

Pagtutuunan ng ASEAN ministers ang progresong nakamtan sa nakalipas na 50 taon at daang tatahakin ng samahan samantalang pag-uusapan din ang mahahalagang isyu sa rehiyon at maging sa daigdig.

Bago maganap ang 50th ASEAN Ministerial Meeting and Related Meetings na magsisimula sa Sabado, sinabi ni G. Bolivar na nagsimula ang senior officials at Committee of Permanent Representatives to ASEAN sa kanilang mga paghahanada at pagpupulong mula kahapon hanggang bukas.

Kalendaryo

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino