Manggagawang nagbabalak magtungo sa Iraq, pina-alalahanan

2017-08-10 18:07:37

MAS makabubuting tiyakin ng mga Filipinong nagbabalak mangibang-bansang dumaan sa mga lehitimong recruitment agencies at tiyakin ang bansang patutunguhan upang huwang manganib na makarating sa magugulong bansa tulad ng Iraq.

Ito ang sinabi ni Philippine Chargé d'affaires sa Iraq na si Elmer G. Cato sa kanyang pagsasalita sa mga mamamahayag na dumadalo sa pagsasanay sa fair recruitment at labour migration na idinaos sa Xenia Hotel sa Clark Freeport sa Angeles, Pampanga.  Itinaguyod ng International Labour Organization at National Union of Journalists of the Philippines ang pagtitipon.

Mas makabubuting hintayin na muna ng mga manggagawang higit na gumanda ang kalagayan ng Iraq bago magbalak na maglakbay upang magtrabaho.  Kahit pa napigil na ang pananakop ng mga ISIS sa Mosul, lumalabas sa balitang unti-unting bumabalik ang mga ISIS sa pamamagitan ng paisa-isang pagpasok sa mga lungsod at bayan.

Binanggit din ni G. Cato na mayroong mga Filipino na nakukumbinseng magtungo sa Iraq dahil mas malaki ang sahod subalit higit na mapanganib.

Nabatid mula sa pamahalaan na umaabot sa 5,878 na Filipino ang umaalis araw-araw mula sa mga paliparan ng bansa. 

Ayon sa Philippine Overseas Employment Administration, nakalabas ang may 2,112,331 mga Filipinong manggagawa noong nakalipas na taon at umabot sa 1,058,514 ang naglakbay patungo sa Middle East.

Mayroong US$ 26.9 bilyon ang naipadalang salapi ng mga manggagawang Filipino mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig.

Kalendaryo

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino