Social Welfare Secretary-Designate Taguiwalo, tinanggihan ng Commission on Appointments

2017-08-16 20:18:10 CRI

Social Welfare Secretary-Designate Taguiwalo, tinanggihan ng Commission on Appointments
SECRETARY TAGUIWALO, TINANGGIHAN NG COMMISSION ON APPOINTMENTS. Nakikinig si Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo sa desisyon ng Commission on Appointments. Karamihan sa mga mambabatas ay tumangging hirangin si Secretary Taguiwalo sa kanyang posisyon. Tanggap niya ang desisyon ng lupin. (Senate PRIB Photo)

PINAGKAISAHAN ng mga kasapi ng Commission on Appointments na tanggihan ang pagkakahirang ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Social Welfare Secretary-Designate at University of the Philippines Professor Judy Taguiwalo.

Lumabas ang desisyon matapos ang closed-door executive session ng mga kinatawan ng Senado at Congreso. Si Secretary Taguiwalo ang ikatlong hinirang ni Pangulong Duterte na tinanggihan ng Commission on Appointments. Ang nauna ay sina Foreign Affairs Secretary-designate Perfector R. Yasay, Jr. at si Environment Secretary Gina Lopez.

Sa panayam bago naganap ang pagdinig, sinabi ni Secretary Taguiwalo na umaasa siyang makalulusot sa Commission on Appointments.

Nakaupo lamang sa session hall gallery si Secretary Taguiwalo samantalang binabasa ang hatol ng mga mambabatas. Ayon kay Davao Oriental Representative Joel Mayo Almario, nakamtan ang 13 botong kailangan upang tanggihan ang paghirang kay Secretary Taguiwalo.

Sang-ayon sa appointment ni Secretary Taguiwalo sina Senador Ralph Recto, Miguel Zubiri at Sonny Angara. Bumoto rin sina Senador Francis Pangilinan, Franklin M. Drilon at Paolo Benigno Aquino IV.

Sinabi ni Secretary-designate Judy Taguiwalo na hindi siya nagulat sa desisyon. Nagawa na niya ang magagawa niya para sa mga mamamayan at napanatili niya ang kanyang integridad. Patuloy siyang maglilingkod sa mga mamamayan sa ibang paraan.

Pinanindigan niyang hindi niya isasangla ang kaluluwa para sa mga pribilehiyo sa pamahalaan. Wala umanong habang-panahon sa posisyon subalit may habang-panahong paglilingkod sa bayan, sa katapatan at sa pagmamahal sa bayan.

Kalendaryo

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino