Pagdinig ng Senado hinggil sa pagpaslang kay Kian Loyd delos Santos, sinimulan na

2017-08-24 18:21:05

WALANG nagmulang kautusang nagmula kay PNP Director General Ronald Dela Rosa na magsagawa ng madugong operasyon laban sa mga taong pinaniniwalaang sangkot sa droga.

Ito ang kanyang tugon sa tanong ni Senador Grace Llamansares Poe sa pagdinig ng Senado sa pagkasawi ni Kian Loyd delos Santos sa Caloocan City.

Binanggit ni Senador Poe na mayroong 81 katao ang nasawi sa kampanya laban sa mga sangkot sa illegal drugs mula noong ika-15 hanggang ika-17 ng Agosto.  Itinanong ng mambabatas kung nagkaroon ba ng utos mula sa PNP chief na magsagawa ng malawakang operasyon matapos magsabi si Pangulong Rodrigo Duterte na nalulungkot siya sapagkat hindi nagwawagi ang pamahalaan sa pagsugpo ng droga.

Ipinaliwanag ni PNP Director General dela Rosa na tanging pina-alalahanan niya ang kanyang mga tauhan na ipagpatuloy ang kampanya laban sa droga mula noong unang araw na maluklok sa panguluhan si G. Rodrigo Duterte.

Idinagdag pa ni General dela Rosa na inutusan niya si National Capital Region Police Office Director Oscar Albayalde na isailalim sa “restrictive custody” ang tatlong pulis na kinilala sa mga pangalang Police Officer 3 Arnel Oares and Police Officers 1 Jeremias Pereda at Jerwin Cruz.

Nadisarmahan ang tatlong pulis at ipinasumite ang mga sandata sa ballistics examination.  Hindi sila pinapayagang makalabas ng kampo ng walang pahintulot at walang police escorts.

Samantala, tumanggi ang tatlong pulis na dumakip kay Kian Loyd de los Santos na sagutin ang mga tanong ng mga mambabatas hinggil sa standard procedures sa police operations.

Niliwanag naman ni Atty. Alfegro Triambulo ng Internal Affairs Service ng Philippine National Police na may isa sa dalawang pulis na umamin sa kanilang tauhan na si Kian Loyd delos Santos ang dinakip na nakita sa closed circuit television.

Sa pagtatanong ni Senador Paolo Benigno Aquino IV, sinabi ni Director General dela Rosa na umabot sa 518 kabataan ang nadakip ng pulisya sa mga lumalabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act.  Pinanindigan ni General dela Rosa na isa lamang ang napaslang sa lehitimong police operations at ang napaslang ay si Kian Loyd delos Santos.

Sinabi ni Senador Aquino na umaabot sa 31 ang sinasabing napaslang sa mga operasyon bilang collateral damage o nadamay lang.

Binigyang-diin ni PNP Director-General Ronald dela Rosa na pawang mga kriminal at mamamatay-tao lamang ang babaril sa mga pinaghihinalaan samantalang  nakaluhod at nakatalikod sa babaril.

Hindi mabibigyang-katarungan ang pagbaril sa menor de edad na biktima sa naganap sa Caloocan City noong nakalipas na Miyerkoles.

Ani General dela Rosa, kung nakaluhod si Kian at nakatalikod at babarilin, isang mamamatay-tao lamang ang makagagawa nito.

Ayon sa autopsy reports ng Public Attorney's Office at ng Northern Police District ay nagsasaad na binaril si Kian, isang Grade 12 student, samantalang nakaluhod at nakatalikod sa namaril.

Ayon sa ballistic examinations, ang sandatang nakapangalan kay Police Officer 3 Arnel Oares ang pinagmulan ng balang natagpuan sa labi ng biktima.

Sinabi ng mga pulis na nagpaputok si Kian kaya't napilitan silang gumanti at napaslang nila ang binatilyo.

Kalendaryo

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino