Palugit na sampung araw, mananatili sa Philippine Air Lines

2017-09-29 17:56:13

 

SINABI ni Transportation Secretary Arthur Tugade na mananatili ang sampung araw na palugit na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine Air Lines na bayaran ang pagkakautang na higit sa P 6.9 bilyon noong huling araw ng Hulyo ng taong ito.


Sa isang panayam na ibinigay sa mga tagapagbalita ni Secretary Tugade matapos ang groundbreaking rites ng MRT-LRT common station, sinabi ng kalihim na mananatili ang sampung araw na palugit.


Ang pahayag na ito ay naganap isang araw matapos mag-usap ang Philippine Air Lines at Civil Aeronautics Authority of the Philippines sa mga posibleng paraan ng pagbabayad.


Sa kanyang talumpati sa Philippine Constitution Association, sinabi ni Pangulong Duterte noong Martes ng gabi na binabalaan niya si Lucio Tan, ang chairman at chief executive officer ng Philippine Air Lines na magbayad kung nais pa nilang gamitin ang Ninoy Aquino International Airport Terminal II.


Sa tanong kung anong gagawin kung hindi makabayad ang Philippine Air Lines, sinabi ni Secretary Tugade na magkakaroon ng kaukulang hakbang sa oras na maganap ito.


Bagaman, tiniyak niyang hindi gagawa ng anumang makasasama sa mga pasahero ang pamahalaan.


Samantala, sinabi ni G. George Barcelon, pangulo ng Philippine Chamber of Commerce and Industry na umaasa siyang matatapos ang sigalot sa pagitan ng pamahalaan at ng Philippine Air Lines bago pa man lumala at 'di na maremedyuhan ang problemang maidudulot nito.


Ang magaganap ay makasasama sa anumang nagawa para sa bansa, dagdag pa ni G. Barcelon.


Idinagdag naman ng isang dating opisyal ng Department of Foreign Affairs na ang mga pasahero ang maaapektuhan ng sigalot.


Sa panig ni dating Philippine Ambassador to Palau at Vatican Apolinario Lozada, Jr., makasasama ito sa industriya ng turismo at transportasyon.


Ayon kay G. Jesus Varela, secretary-general ng International Chamber of Commerce-Philippines, bagama't ang pagpapasara o takeover ay bahagi ng poder ng pamahalaan, kailangan itong idaan sa proseso na itinatadhana ng batas.  Lumalabas umanong hindi magkakaroon ng anumang pakikipagkasundo ang pamahalaan.


Idinagdag naman ni Dr. Francis Chua, dating pangulo ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry na naniniwala siyang matatapos na ang problema.


Nauunawaan niyang magbabayad na ang Philippine Air Lines sa pinakamadaling panahon.


Mayroong 98 biyahe ang Philippine Air Lines sa bawat araw.  May 59 ang nagmumula sa Terminal II samantalang may 23 iba sa ang nagmumula sa Terminal 3 at mayroong 16 na iba pa ang nagmumula sa Terminal 1.


Hindi sumagot sa tawag at mga pagtatanong ang Philippine Air Lines corporate communications sa mga isyung bumabalot sa kontrobersya.


Kalendaryo

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino