Krisis sa Marawi City naging dahilan upang maging mas malapit ang Pilipinas sa Tsina

2017-12-05 11:29:55

NANINIWALA si Philippine Ambassador to China Jose Santiago “Chito” Sta. Romana na higit na naging malapit ang Tsina at Pilipinas sa kanilang pagtutulungan sa pagsugpo sa terorismo dulot ng mga Maute sa Marawi City.

Naiba na rin ang pagtingin ng mga Tsino sa Pilipinas na hindi na pamain o “Trojan Horse” ng American foreign policy.

Sa isang panayam sa pagdiriwang ng ika-30 anibersaryo ng pagkakatatag ng Philippine Association for Chinese Studies (PACS), sinabi ni G. Sta. Romana na malaking kaibhan ang independent foreign policy ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagpapatunay na hindi sunod-sunuran ang Pilipinas sa dikta ng Washington.

Sa naganap sa Marawi City, nakita ang pakikiisa ng Tsina sa Pilipinas sa pagpapadala ng mga sandata at iba pang kagamitan upang masugpo ang terorismo at maibalik sa maayos na kalagayan ang mga nasalantang mamamayan.

Sa larangan ng ekonomiya, sinabi ni G. Sta. Romana na madali nang makita ang pagsisimula ng mga proyektong tutustusan ng Overseas Development Assistance ng Tsina tulad ng Chico River Dam upang matulungan ang mga magsasaka sa hilagang Luzon, Kaliwa Dam na pagkukunan ng tubig na maiinom ng mga nasa National Capital Region at ang long-haul train patungong Bicol Region.

Saklaw ng kinikilalang second basket of projects ang pinakamahabang tulay sa pagitan ng Panay at Negros na daraan sa Guimaras, ang Davao Expressway at Mindanao railways.

Maliwanag umanong mas mababa sa tatlong porsiyento ang interes ng mga pautang na ito, dagdag pa ni G. Sta. Romana. Umaasa rin siyang makakamtan ang isang milyong turistang Tsino sa pagsapit ng Lunar New Year sa unang bahagi ng taong 2018. Malapit na umanong matamo ang 800,000 visa applications sa ikatlong kwarter ng taong 2017. Mas marami na ring mga mag-aaral na Filipino ang nagtutungo sa Tsina upang magpatuloy ng kanilang pag-aaral. Marami na ring mga Filipino ang dumalaw sa puntod ni Sultan Paduka Pahala sa Shandong Province sa paggunita sa ika-600 taon ng kanyang pagpanaw samantalang naglalakbay pauwi sa Pilipinas.

Isa sa pinakamagandang nakamtan ng Pilipinas at Tsina ay ang pagbawas sa tensyon sa karagatan. Ipinaliwanag niyang ang bubuuhing code of conduct ay hindi lulutas sa mga 'di pagkakaunawaan ng dalawang bansa bagkos ay layunin nitong maibsan ang tensyon. Posible ring magkaroon ng fisheries agreement upang mapangalagaan ang yamang likas sa karagatan.

Kailangan lamang na madagdagan ang benepisyo ng pagkakaibigan ng dalawang bansa upang higit na madama ng mga mamamayan ang kahalagahan ng malapit na relasyon.

Malalagdaan ang ikalawang basta ng mga proyekto sa nakatakdang pagdalaw ni Pangulong Xi Jinping sa susunod na taon. Walang binanggit na petsa si G. Sta. Romana sapagkat bahala na umano ang kani-kanilang Kagawaran ng Ugnayang Panglabas na magbalita sa balana sa napipintong pagdalaw sa Maynila.

Kalendaryo

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino