Federalism, mahalaga para sa Pilipinas

2017-12-11 19:06:09

NANINDIGAN si dating Senate President Aquilino Q. Pimentel, Jr. na mahalaga para sa Pilipinas ang pagkakaroon ng Federal System of Government upang magkaroon ng angkop na kinatawan at tinig ang mga mamamayan sa pamahalaan.

Sa idinaos na “Tapatan sa Aristocrat,” sinabi ni G. Pimentel na nagdiriwang ng kanyang ika-84 na kaarawan ngayon, na ang Local Government Code of the Philippines na nagbigay ng angkop na poder sa mga pamahalaang lokal ay mayroong probisyon na kailangang mapagbalik-aralan sa bawat limang taon upang makatugon sa mga pangangailangan ng bayan.

Wala umanong naganap na anumang pagbabalik-aral.

Sa panig ni Anakpawis Party List Congressman Ariel B. Casilao, posibleng makapasa sa Mababang Kapulungan ang pagkakaroon ng isang constituent assembly sa pagsasama ng Kongreso at Senado sa pagbabago ng ilang probisyon ng Saligang Batas ng bansa. Bagama't pinag-uusapan na sa mga komite ang Federalism, lumalabas na kakapusin sa oras ang Kongreso sapagkat magtatapos na ang sesyon sa darating na Miyerkoles, ika-13 ng Disyembre para sa Christmas Break. Abala pa rin ang Kongreso sa mga pagsisiyasat ng iba't ibang usapin.

Idinagdag naman ni dating Quezon City Congressman Dante Ventura Liban na mas pabor siya sa pagpapatupad ng halalan para sa mga magiging delegado sa Constitutional Convention sa halip na dumaan sa constituent assembly sapagkat ito ang ipinangako ni dating Davao City Mayor Rodrigo Duterte. Sa pangakong Federalismo maraming mga Filipino ang naniwalang makakamtan ang tunay na pagbabago.

Sa panig ni Atty. Michael Henry Yusingco ng Ateneo School of Government, dapat lamang pag-usapan ang isyu ng Federalism sapagkat napapahon ito upang matugunan ang mga problemang kinakaharap ng bansa at mamamayan.

Isang aklat na binuo ng mga dalubhasa sa larangan ng politika ang ilulunsad sa darating na Huwebes. Pinamagatang Debate on “Federal Philippines: A Citizen's Handbook” sa isang pagtitipong katatampukan ng mga propesor at dalubhasa sa larangan ng lipunan.

Kalendaryo

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino