Mas mababang bilang ng mga nasugatan sa paputok, ikinalugod ni Secretary Duque

2018-01-01 17:45:38

 

MASAYANG ibinalita ni Health Secretary Francisco T. Duque na mas mababa ang bilang ng mga nasugatan dahil sa mga paputok bilang paghahanda at pagsalubong sa Bagong Taon.


Sa isang press briefing sa East Avenue Medical Center, sinabi ni Secretary Duque na umabot sa 191 katao ang nadala sa mga pagamutan mula noong ika-21 ng Disyembre hanggang kaninang umaga at hamak na mas mababa ito ng 68% sa bilang ng mga naitala noong nakalipas na taon.


Mas mababa ito ng 77% sa taunang average na naitala mula noong 2012 hanggang 2016.  Bagaman, ang pinakamatandang nasugatan ay isang 96 na taong gulang na nakainom na nagsindi ng paputok.  Nagtamo ang biktima ng “second degree burns.”  Tumanggi naman si Secretary Duque na kilalanin ang biktima.  Samantala, ang pangalawang pinakamatandang nasugatan ay isang lalaking 93 taong gulang.  “Passive victim” umano ang matanda na nangangahulugan na hindi siya nagpaputok ng kwitis o anumang karaniwang ginagamit sa pagdiriwang.


Ang pinakabatang biktima ng paputok ay isang 11-buwang sanggol na nadaplisan ng paputok sa kanilang tahanan.  Walang ibang detalyes na inilabas ang Department of Health.


Walang naibalitang nasawi sa paputok, wala ring nakalulon ng paputok tulad noong mga nakalipas na panahon at wala pang naibabalitang tinamaan ng ligaw na bala.


Ayon kay Police Supt. Johnny Capalos ng PNP Directorate for Operations, iisa ang naitalang tinamaan ng ligaw na bala sa Caloocan City at kasalukuyang sinisiyasat pa nila ang insidente.


Ipinaliwanag ni Secretary Duque na isang dahilan ng pagbaba ang nilagdaang executive order ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang Executive Order No. 28 na nagsasaad kung saan at kung kailan magagamit ang mga paputok.


Malaki rin ang posibilidad na magkaroon ng regulasyon o alituntunin ang paggawa ng mga paputok sapagkat layunin ni Pangulong Duterte na mawala na ang ugaling ito sa mga susunod na panahon.  Bagaman, niliwanag din ni Secretary Duque na maghahanap ng alternatibong pagkakakitaan para sa mga mamamayang nabubuhay sa paggawa ng paputok.



Kalendaryo

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino