Bantayog ng mga “Comfort Women,” 'di maaalis agad

2018-01-15 18:40:34

KAILANGANG magkaroon ng angkop na batas hinggil sa pag-aalis ng mga bantayog sa bansa. Ito ang pahayag nina Professor Michael Charleston Chua ng De La Salle University at Gng. Teresita Ang-See, founding president ng Kaisa Para sa Kaunlaran.

Sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat, sinabi ng dalawang resource persons na mayroong mga angkop na batas na nagpapahintulot ng paglalagay ng mga bantayog sa bansa kaya't hindi basta maaalis ito sa pakiusap ninoman o ng alinmang pamahalan.

Pinatutungkulan nila ang bantayog sa ngalan ng comfort women na pinasiyanayaan noong nakalipas na Biyernes, ikawalo ng Disyembre sa Roxas Blvd. sa Maynila.

Magugunitang lumabas ang mga balitang nais ng pamahalaang Hapones na alisin ang bantayog subalit wala namang nakitang liham na humihiling na tanggalin ang inilaan sa gunita ng mga kababaihang naabuso noong panahon ng hapon.

Nabanggit lamang ito ng isang dumadalaw na panauhin mula sa Japan na ikinagulat at ikinalungkot nila ang pagkakatayo ng bantayog.

Samantala, sinabi naman ni Gng. Gert Ranjo Libang, vice chairperson ng Gabriela na hindi hihinto ang kanilang mga pagkilos kasama ang Lila Filipina sa paghingi ng katarungan sa ngalan ng mga naging biktima ng mga kawal na Hapones.

Niliwanag ni Gng. Libang na kailangang humingi ng pormal na paumanhin ang pamahalaang Hapones, ilagay ang tunay na naganap sa Pilipinas noong manakop sila at magbigay ng kabayaran o bayad-pinsala sa mga pagdurusang natamo ng mga kababaihan.

Pabor naman si Sr. Mary John Mananzan, dating chairperson ng Associationof Major Religious Superiors for Women in the Philippines sa panawagan ng Gabriela. Kailangan ding kumilos ang pamahalaang Filipino sa ngalan ng mga mamamayan nito.

Para kay Atty. Dennis Gorecho, isang dating mamamahayag na nakapanayam ang mga biktima ng panghahalay ng mga kawal-Hapones, sinabi niyang maliwanag sa gunita ng mga biktima ang masakit na karanasan nilang nakamtan. Nagtagal lamang silang lumabas sapagkat dala ng kanilang hiya at pagkabahala kung paano sila matatanggap ng kanilang sariling pamilya at ng lipunan.

Walang anumang magaganap na masama sa relasyong pang-ekonmiya ng Pilipinas at Japan. Ito ang paniniwala nina G. Jose Antonio Custodio, isang military historian. Sa mga bansang nagkaroon din ng kahalintulad na karanasan, hindi naman natigil ang kalakalan, dagdag pa ni G. Custodio.

Sa impormasyong nagbigay ng tulong ang Japan sa pamamagitan ng Asian Women's Fund, sinabi ni Gng. Libang na kahit pa nag-ambag ang pamahalaang Hapones ng 4.3 bilyong yen sa pondo, pribadong sektor pa rin ang namuno rito.

Ang liham na humihingi ng kapatawaran ay sa personal na kapasidad ng lumiham at 'di mula sa pamahalaan.

Niliwanag naman ni G. Dorian Chua, pangulo ng Tulay Foundation na matagal na nilang inilunsad ang pagtatayo ng bantayog, mula pa noong 2014 at natagalan lamang sa kanilang pagtugon sa mga itinatadhana ng batas. Nagatalan ang pamahalaan ng Maynila sa kanilang pagkilos sapagkat nabimbin ang isyu ng Torre de Manila at ayaw nilang madagdagan ang kontrobersyang kinakaharap.

Wala umano silang layuning panariwain ang mga naghilom nang sugat at nais lamang nilang matuto ang lipunan sa samang idinudulot ng digmaan, dagdag pa ni G. Chua.

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino