Higit sa 56,000 katao, nasa evacuation centers na

2018-01-24 17:10:43


UMABOT na sa 56,200 katao mula sa 46 na barangay sa paligid ng Bulkang Mayon ang pansamantalang naninirahan sa 46 na evacuation center sa lalawigan ng Albay matapos palakihin ng mga siyentipiko ang “danger zone” sa walong kilometro. 


Sa isang pahayag kaninang umaga, sinabi ng PHIVOLCS na nagkaroon ng mga pagdaloy ng mainit na usok sa Miisi, Bonga, Buyuan, Basud, San Andres, Buang at Anoling kasama na ang maliliit na ilog may apat na kilometro mula sa bibig ng bulkan.


Magugunitang ang mga barangay na ito ay saklaw ng permanent danger zone.  Sa pagsabog ng bulkan kahapon, natangay ang abo at nakarating mula sa mga bayan ng Camalig, Guinobatan, Oas at Polangui tulad na rin ng Ligao City at maging sa Iriga City sa Camarines Sur.


Nagkaroon ng limang malalakas subalit magkakahiwalay na paglabas ng kumukulong putik na tumagal ng mula tatlo hanggang 30 minuto.   Ang paglabas ng kumukulong putik ay umabot pa sa 500 hanggang 700 metro at naging dahilan ng pagyabong ng usok na nagtataglay ng abo mula sa dalawa't kalahati hanggang tatlong kilometro.  Nakita rin ang pagdaloy ng kumukulong putik sa Miisi at Bonga gullies.


Nagkaroon din ng dalawang explosion-type earthquake na pinagmulan ng vertical column eruptions. 


Sa Legazpi City, pinamunuan ni Mayor Noel Rosal ang paglilikas sa higit sa 11,000 katao sa paanan ng bulkan.  Magugunitang pinauwi ni Mayor Rosal ang mga evacuee matapos payuhan ni Phivolcs Director Renato Solidum ang mga taga-Legazpi City na wala sila sa permanent danger zone.


Ang mga inilikas ni Mayor Rosal ay naninirahan sa pitong evacuation centers.


Inamin naman ni Dr. Cedric Daep, pinuno ng Albay Public Safety and Emergency Management Office na ang salaping kanilang ginagamit ay mula sa kanilang “savings” sapagkat wala pang inilalabas na pondo ang pamahalaang pambansa.


Sa isang panayam sa pamamagitan ng telepono, sinabi ni Dr. Daep na napapanahon na ang paglalabas ng salapi mula sa Internal Revenue Allotment ng lalawigan.


Hanggang sa sinusulat ang balitang ito, umabot na ang 14,241 pamilya ang na sa iba't ibang bahagi ng lalawigan ng Albay.


Kalendaryo

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino