Evacuees, umabot na sa higit sa 74 na libo

2018-01-25 17:06:37




PATULOY na lumaki ang bilang ng mga nagsilikas dulot ng pagputok ng bulkang Mayon.  Iniulat ni Governor Al Francis C. Bichara na mayroong 19,407 pamilya na mayroong 74,224 katao ang lumikas at naninirahan na sa may 754 na silid sa 72 evacuation centers.




Nagmula ang mga lumikas sa 60 barangay sa paanan ng bulkang Mayon na nagpakita ng kakaibang pagkilos mula noong Sabado, ika-13 ng Enero.  Nananatili pa rin ang Alert Level 4 sa paligid ng bulkan at nangangahulugan na maaaring maganap ang mapaminsalang pagputok sa loob ng ilang araw o ilang oras.




Pinakamaraming lumikas mula sa Legazpi City na umabot sa 3,091 pamilya mula sa siyam na barangay.




Sinabi naman ng PHIVOLCS na nananatiling mapanganib pa rin ang paglalakbay sa pamamagitan ng eroplano sa dalang abo ng biglang pagputok ng bulkan.




Mula kahapon ng umaga hanggang kaninang ikatlo ng madaling araw, nagkaroon ng anim na malakas na pagbukal ng kumukulong putik na tumagal mula siyam hanggang 59 na minuto.  Tumaas ang kumukulong putik ng hanggang 500 metro at naging sanhi ng pagpailanlang ng abo na umabot hanggang limang kilometro mula sa bibig ng bulkan.




Ang mainit na usok na bumulusok mula sa bibig ng bulkan na napuna sa Buyuan Channel ay lumampas na sa limang kilometro.  Nagkaroon din ng 13 pagyanig ng lupa.  Anim sa mga ito ang dala ng pagbukal ng kumukulong putik.  Nakarating na ang nagbabagang putik sa Miisi ng may tatlong kilometro at Buyuan na may isang kilometro.  Umabot sa 1,252 tonelada ng sulfur dioxide ang nailabas ng bulkan kahapon.  Namamaga pa rin ang bulkan ayon sa pagsusuri ng mga siyentipiko ng PHIVOLCS.


Kalendaryo

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino