Supply ng bigas, nakababahala

2018-03-01 17:51:57

 

GASTOS SA PAGKAIN, TUMAAS.  Ito ang ibinalita ni Asst. National Statistician Wilma Guillen sa katatapos na Wednesday Roundtable @ Lido kanina.  Pinag-usapan din ang supply ng bigas.  Nangunguna pa rin ang Central Luzon, Cagayan Valley, Western Visayas at Ilocos Region sa dami ng inaaning palay sa bansa sa nakalipas na liming taon.  Na sa larawan din si dating DAR Secretary Rafael Mariano, PHILRICE economist Miriam Layaoen at NFA Spokesman Rex Estoperez.  (Melo Acuna)

 

MAY mungkahi si Atty. Victorio Mario Dimagiba ng Laban Konsyumer, Inc. upang matugunan ang problema sa madaling nauubos na supply ng bigas na nasa pag-iingat ng National Food Authority.


Inamin ni Director Rex Estoperez, tagapagsalita ng National Food Authority sa Wednesday Roundtable @ Lido na sasapat lamang ang kanilang nakaimbak na bigas sa kulang sa dalawang araw na aabot sa 1.1 milyong sako ng bigas.


Kailangang magkaroon ng 15 araw na buffer stock anumang araw mula ngayon at may 30- araw pagsapit ng unang araw ng Hulyo na siyang simula ng lean months.


Dadalawa ang paraan ng NFA upang mapunuan ang kanilang stocks at ito ay ang pagbili sa mga magsasaka at pag-angkat ng bigas mula sa iba't ibang bansa.  Problema nga lamang ang 'di pamimili ng mga taga-NFA ng palay sa mga magsasaka sa halagang P 17.00 bawat kilo samantalang namimili ang mga pribadong mangangalakal ng higit sa P18 piso bawat kilo sa kanilang mga sariling barangay.  Isa pang problema ay darating ang inangkat na bigas pagsapit ng huling araw ng Hunyo.


Ani dating Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano na dapat pag-aralan ng NFA Council ang halaga ng palay sa farmgate at baka uubrang magkaroon ng pansamantalang dagdag sa presyo ng pamimili ng NFA upang madagdagan ang stock ng ahensya.


Walang nakikitang problema si Director Estoperez kaya nga lamang ay nagmumula sa NFA Council ang huling kautusan.


Ayon kay Atty. Victorio Dimagiba, dating Trade and Industry Undersecretary, kailangang magkaroon ng suggested retail price para sa regular-milled rice.  Nagmungkahi rin siyang kailangang magkaisa ang mga ahensya ng pamahalaan upang magkaroon ng pagtupad sa Price Act o sa Consumer Act na nagsasanggalang sa mga mamimili sa anumang pang-aabuso ng mga mangangalakal.

 

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino