Desisyon ng Korte Suprema sa pagtatanggal ng 5,000 manggagawa at 1,400 flight attendants, kinondena

2018-03-28 17:07:27

 

TINULIGSA ng mga manggangawa at partido politikal ang naging desisyon ng Korte Suprema na nagsabing makatarungan ang pagpapatalsik sa libu-libong manggagawa at 1,400 na flight attendants.


Ayon sa pahayag ng Akbayan, ang pagkatig ng Korte Suprema sa illegal na pagpapatalsik sa mga manggagawa ang pinakamatinding dagok sa karapatan ng paggawa.  Masamang sandigan ang desisyon sapagkat lumalabas na ang mga palpak na pagpapatakbo ng mga bahay-kalakal ay mabibigyan ng kalayaang magpatalsik na lamang ng kanilang mga manggagawa.


Hindi katanggap-tanggap sa mga kasapi ng Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines (FASAP) ang naging desisyon, dagdag pa ni Machris Cabreros ng Akbayan Party List.  Nag-ugat ang desisyon sa isang liham ng abogado ng Philippine Air Lines na 'di man lamang binigyan ng pagkakataon ang mga manggagawang sumagot at maglahad ng kanilang panig.  Unang nagwagi ang mga manggagwa noong 2008 subalit binawi ito noong 2009.  Nagmula ang liham sa batikang abogadong si Estelito Mendoza.  Nanawagan ang Akbayan kasabay ng FASAP sa pananawagan sa Korte Suprema noong 2011 na nagsasabing labag sa batas ang pagpapatalsik sa mga manggagawa.


Lubhang ikinalungkot ni Atty. Sonny Matula, pangulo ng  Federation of Free Workers ang naging desisyon ng Korte Suprema.  Sa isang pahayag, nagulat ang kanilang samahan na ang isang desisyong pabor sa mga manggagawa ay mababaliktad lamang ng isang liham mula sa isang tanyag na abogado ni Pangulong Ferdinand Marcos.


Taliwas umano ito sa mga alituntunin ng batas sa paggawa tulad ng kanilang natutuhan sa kanilang pag-aaral ng abugasya.


Nakikiisa sila sa FFW sa opinyon ni Justice Marvic Leonen na nagsabing ang desisyon ng Korte Suprema na nagsasabing legal ang pagpapatalsik sa mga manggagwa ay kinasasangkutan ng himalang pagbabalik-buhay sa usaping matagal nang pumanaw.


Nagdesisyon ang Korte Suprema noong 2009 na makabuluhan ang naunang desisyong pumabor sa mga manggagwa noong ika-22 ng Hulyo 2008.  Maliwanag umano na kung mayroong finality ang desisyon, wala nang motion for reconsideration na tatanggapin ang hukuman.


Noong 2009, sa akdang desisyon ni Justice Ynares-Santiago na nag-utos sa PAL na ibalik ang mga manggagawang tinanggal at bayaran ang mga nararapat bayaran sa mga 'di na makababalik sa trabaho.  Ang ikalawang motion for reconsideration ay tinanggihan din noong 2011.


Kaduda=duda ang pagbaliktad ng desisyong nakamtan ng mga manggagwa.  Isang malaking dagok ito sa mga manggagawa ngayong Semana Santa, dagdag pa ni Atty. Matula.

 

 

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino