Dating Pangulong Aquino at mga kasama, pinakakasuhan na

2018-04-12 15:46:56

 

INIREKOMENDA ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon na ipagsakdal sina dating Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III, dating Health Secretary Janette Garin, Budget Secretary Florencio Abad at ilan pang mga opisyal ng Department of Health.


Ang pahayag ay nagmula sa serye ng mga imbestigasyon ng kanyang komite sa kontrobersyal na pagbili ng Dengvaxia vaccine na nagkakahalaga ng P 3.5 bilyon noong mga huling araw ng Disyembre 2015 at unang ilang linggo ng Enero 2016.  Naglunsad sila ng malawakang pagbabakuna sa mga kabataan sa iba't ibang paaralan sa ilang rehiyon sa bansa.


Binili ang bakuna sa likod ng mga pagtutol ng ilang mga manggagamot, propesyunal at mga dalubhasa.


Kriminal umano ang ginawang pagsasabwatan ng mga kinauukulan sapagkat hindi rin kinilala ang reputasyon o background ng kumpanyang nagbili ng bakuna, ang Sanofi Pasteur.  Pinakakasuhan ng paglabag sa anti-graft and corrupt practices ang mga opisyal na nasa likod ng pagbili ng bakuna.


Nagsimula ang pagbabakuna mga huling linggo ng Marso at unang ilang araw ng Abril noong 2016, ilang linggo bago sumapit ang pambansang halalan.  


Noong nakalipas na Nobyembre ng 2016, sinabi ng Sanofi Pasteur na malaki ang posibilidad na magkadengue ang walang anumang karanasan sa dengue sa oras na mabakunahan. 


Ani Senador Gordon, napasa-panganib ang buhay ng may 830,000 mga kabataang nabakunahan.


Samantala, sa pahayag naman ni dating Health Secretary Garin, tanging opinyon lamang ni Senador Gordon ang mga binanggit sapagkat hindi pa ito sinasangayunan ng buong Senado.  Nakita na umano ang bias ng mambabatas laban sa kanila sa simula pa lamang ng pagdinig.


Hindi umano buo at walang kinikilingan ang pahayag ni Senador Gordon.  Naglalaman ito ng mga kaduda-dudang pahayag.


Malinis umano ang kanyang konsenya at handa siyang humarap sa mga akusasyon sa tamang lugar at sa tamang panahon, dagdag pa ni dating Secretary Garin.


Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino