Iba't ibang grupo nanawagang ibalik ang bantayog ng comfort woman

2018-06-13 16:54:16

 

NANAWAGAN ang iba't ibang grupo ng mga kababaihan, mga mag-aaral at maging mambabatas sa Pamahalaang Pambansa na ibalik ang bantayog sa gunita ng mga kababaihang hinalay noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.


Sa isang seremonyang kinatampukan ng mga pananalita, awit at pag-aalay ng mga bulaklak sa manaka-nakang pag-ulan, sinabi ni Gng. Teresita Ang See, ang nagtatag ng Kaisa para sa Kaunlaran na huwag yumuko sa mga panawagan ng ibang pamahalaang burahin na ang gunita ng mapait na karanasan ng mga kababaihan sa kamay ng mga mananakop noong Dekada Kuwarenta.


Ani Gng. Ang See, kung mayroon mga memorial para sa mga nanakop sa Pilipinas, kailangang mabunyag ang hirap at sakit ng mga mamamayan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.


Pinapurihan naman ni Sr. Mary John Mananzan ang mga ginawa nina Nelia Sancho at ni Lola Rosa, ang kauna-unahang Filipina na umaming hinalay siya ng mga kawal noong panahon ng digmaan.  Ani Sr. Mary John, nagkaroon ng lakas ng loob ang iba pang mga biktima ng digmaan na lumantad at manawagan at humingi ng katarungan.


Sa panig naman ni Gabriela Party List Congresswoman Arlene Brosas, sinabi niyang kailangang pahalagahan ang mapait na karanasan ng mga Lola kasabay ng panawagan sa pamahalaang ibalik na ang bantayog na tinanggal noong huling Biyernes ng Abril.  Kailangan ding humingi ng tawad ang Pamahalaang Hapones sa naganap noong panahon ng digmaan.


Dumalo rin sa pagtitipon ang mga kinatawan ng Memorare 1945, Wa Chi Brigade at iba pang mga samahan.


Natapos ang pagtitipon sa pag-aalay ng mga bulaklak sa dating kinalalagyan ng bantayog sa Roxas Blvd. sa Malate, Maynila.


Kalendaryo

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino