Maynila, nararapat ayusin

2018-06-26 11:33:09

 

NAKALULUNGKOT ang kalagayan ng Lungsod ng Maynila.  Ito ang nagkakaisang paninindigan ng karamihan ng dumalo sa lingguhang “Tapatan sa Aristocrat” kanina.  Ayon kay Wilson Lee Flores, isang kolumnista ng Philippine Star, kinikilala ang Binondo bilang pinakamatandang Chinatown sa daigdig.


Nakasasama lamang ng loob na napabayaan ng kasalukuyang pamahalaang lokal ang paglilinis ng lugar kaya't nakahihiyang pagdalhan ng mga panauhin mula sa iba't ibang bansa.


Sa panig ni Congressman Lito Atienza, Jr. na naglingkod bilang punong-lungsod noong mga nakalipas na panahon, binuhay nila ang Maynila sa pamamagitan ng paglilinis at pakikipagtulungan sa mga barangay.  Naging epektibo ang kanilang unang hakbang sapagkat nakiisa ang mga nasa barangay.


Ayon kay Dean Emerlito Pineda ng Universidad De Manila, kada Sabado ay lumalabas sila sa kanilang paaralan upang tumulong sa paglilinis ng iba't ibang bahagi ng lungsod.


Para kay Sr. Nenet Daño, ang mahihirap na tagalungsod ay handang makiisa sa pag-aayos ng lungsod kung magkakaroon lamang ng direksyon mula sa mga namumuno.  Inihalimbawa niya ang kanilang ginawang pakikipagtulungan sa mga ina at maybahay ng mga naging biktima ng madugong programa ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa droga.


Ipinaliwanag ng madreng naglingkod sa mga piitan sa Senegal ng ilang taon na mahalagang manindigan ang mga mamamayan sa kanilang mga karapatan upang huwag magpatuloy ang pang-aapi at pagpapahirap ng ilang mga autoridad.  Ipinagpasalamat niya ang pagkilala ng Korte Suprema sa kanilang Writ of Amparo laban sa mga tauhan ng pulisya sa San Andres Bukid, isang maralitang bahagi ng Lungsod ng Maynila.


Binanggit naman ni Karen Papilleras, isang topnotcher sa board exams para sa pagiging registered electronics technician, kahit pa maganda ang kanyang mga grado ay nagdadalawang-isip pa rin ang mga may kumpanya na kunin siya sapagkat nagtapos siya sa Universidad De Manila, ang pamantasang itinayo ng Lungsod ng Maynila para sa mga mag-aaral na 'di makapapasa sa pagsubok ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila o PLM na ngayo'y nag-aalok na rin ng Medisina at Abogasya.


Bagaman, nagpapasalamat siya sa sa pagkakataong makapag-aral sa UDM sapagkat nabigyan siya ng kailangang edukasyon sapagkat nagmula siya sa pamilyang mahirap.  Pumangalawa si Karen sa pagsusulit na ibinigay ng Professional Regulations Commission kamakailan.


Sa larangan ng politika, sinabi ni Congressman Atienza na hindi na siya magbabalak na tumakbo sa pagka-alkalde ng lungsod kung magiging maganda ang paglilingkod ni Mayor Joseph Estrada, ang dating pangulo ng bansa na nahalal naman bilang punong-lungsod.

Maynila, nararapat ayusin

CHINATOWN, NAPABAYAAN.  Sinabi ng manunulat na si Wilson Lee Flores na napabayaan ng pamahalaang lokal ang Binondo District, ang pinakamatandang Chinatown sa daigdig.  Nanawagan Siyang bigyang halaga ang mga makasaysayang bahagi ng lungsod para sa mga susunod na salinglahi.  (Melo Acuna)

 

Maynila, nararapat ayusin


PAGLILINIS, MAHALAGA.  Ito ang mensahe ni Congressman Lito Atienza, dating mayor ng Maynila.  Kung hindi malilinis ang kapaligiran, mga estero at Ilog, hindi rin mapakikinabangan ang Manila Bay, dagdag pa ni G. Atienza.  (Melo Acuna)

Maynila, nararapat ayusin


 HANDA ANG MGA MAMAMAYANG MAKIISA.  Ayon kay Sister Nenet Daño ng Religious of the Good Shepherd, napatunayan niyang handing makiisa ang mga mamamayan sa mga programming magtataguyod ng pangkalahatang kabutihan.  Si Sr. Nenet ang namuno sa San Andres Bukid sa pagpepetisyon sa Korte Suprema upang maiwasan na ang mga pagpatay sa kampanya laban sa droga.  (Melo Acuna)

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino