Bilang ng mga nasawi, tumaas pa

2018-09-19 11:20:38

 

UMABOT na sa 74 ang nabalitang nasawi samantalang may 74 na iba pa ang nasugatan samantalang may 55 ang nawawala sa paguho ng lupa sa Cordillera Administrative Region.


Ayon sa Philippine National Police, tuloy pa rin ang paghahanap sa mga nawawala matapos ang matinding ulan at hanging dala ng bagyong “Ompong” noong nakalipas na Sabado.


Ito ay kasunod ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangang pag-aralang muli ang Mining Act of 1995 sapagkat mas malaki ang pinsang dulot nito sa mga mamamayan.  Sa kinikita umano ng pamahalang P 70 bilyon sa bawat taon, kailangang matimbang kung kailangan pa bang ituloy ang industriyang ito.


Sa pahayag na inilabas ng Presidential News Desk, sinabi ng pangulo na ito rin ang naganap sa Diwalwal noong siya'y punong-lungsod pa lamang ng Davao.  Kung hindi mapipigil ang pagmimina dahil may kaakibat na batas, mas makabubuting ipagawa ang pagpapawalang-saysay sa batas sa pamamagitan ng Kongreso.


Ibinalita naman ni Energy Secretary Alfonso Cusi na 54% na ng mga nawalan ng kuryente ang mayroon nang koneksyon.  Mula sa higit sa dalawang milyong nawalan ng kuryente, higit na rin sa isang milyon ang nakabitan ng kuryente sa pagkilos ng mga tauhan ng iba't ibang electric cooperatives at mga tanggapan ng pamahalaan.


Samantala, nababahala naman ang Save the Children sa kalagayan ng mga kabataang nawalan ng tahanan at 'di nakapagpapatuloy ng pag-aaral sa pinsalang tinamo ng mga silid-aralan sa iba't ibang rehiyon ng hilagang Luzon.  Ginagamit pa rin ang mga silid-aralan bilang evacuation center kaya't maraming paaralan ang walang pasok.


Ayon kay Albert Muyot ng Save the Children, kailangang daluhan ang mga pangangailangan ng mga bata sapagkat sila ang nasa panganib dulot ng pagsisiksikan sa mga evacuation center.  Sila rin ang kailangang daluhan sa pamamagitan ng pagkain at gamot.


Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino