Obama: Amerika, patuloy na lalabanan ang terorismo; suspek sa serye ng pagsabog, naaresto

2016-09-20 16:39:12 CRI

New York--Bilang tugon sa serye ng madugong atake na naganap kamakailan sa bansa, ipinahayag Lunes, Setyembre 19, 2016, ni Pangulong Barack Obama ng Estados Unidos ang patuloy na pakikibaka laban sa terorismo. Hinimok din niya ang mga mamamayang Amerikano na huwag matatakot.

Kasalukuyang idinaraos sa New York ang 7 araw na Ika-71 Sesyon ng United Nations (UN) General Assembly. Bunsod ng serye ng atake, ibayong pinahihigpit ng Kapulisan ng Amerika ang mga hakbanging panseguridad.

Nitong nagdaang Sabado, Setyembre 17, magkasunod na naganap ang pambobomba sa New Jersey at New York. Dalawampu't siyam (29) ang nasugatan sa pagsabog sa New York. Naaresto naman noong Lunes ng kapulisan ng New Jersey ang suspek sa nasabing mga pagsabog na si Ahmad Khan Rahami. Si Rahami ay mamamayang Amerikano na isinilang sa Afghanistan, noong 1988.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon at hindi pa malinaw kung may iba pang may kagagawan sa nasabing mga pagsabog.

Samantala, nitong nagdaang Sabado ng gabi, siyam (9) na iba pa ang nasugatan sa pananaksak sa isang mall sa Minnesota, estado sa hilaga ng Amerika. Ayon sa inisyal na imbestigasyon, wala itong kaugnayan sa mga pagsabog sa New Jersey at New York.

Salin: Jade
Pulido: Rhio

Kalendaryo

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino