Pangulong Tsino, kinatagpo ang delegasyon ng H.Korea

2018-05-17 17:57:02 CRI

Beijing, Tsina—Kinatagpo Miyerkules, Mayo 16, 2018, ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang delegasyon ng Workers' Party of Korea (WPK) ng Hilagang Korea (DPRK) na pinamumunuan ni Pak Thae Song, Pangalawang Tagapangulo ng Komite Sentral ng WPK.

Matatandaang nagtagpo sina Xi at Kim Jong Un, Kataas-taasang Lider ng Hilagang Korea at Tagapangulo ng WPK, nitong nagdaang Marso sa Beijing. Nitong nagdaang linggo, muling nagtagpo ang dalawang puno sa Dalian, Tsina.

Sinabi ng pangulong Tsino na ang pagbisita ng delegasyon ng WPK sa Tsina ay hindi lamang konkretong implementasyon ng mga napagkasunduan sa nasabing mga pagtatagpo nila ni Kim, mahalagang pagpapapalitan din ito ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at WPK. Si Pangulong Xi ay nagsisilbi ring Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng CPC.

Ipinahayag din ni Xi ang pagkatig sa pagpapabuti ng Hilagang Korea ng pamumuhay ng mga mamamayan nito sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng kabuhayan. Suportado rin aniya ng Tsina ang pagpapabuti ng relasyon sa pagitan ng Hilaga at Timog Korea, pagpapasulong ng diyalogo sa pagitan ng DPRK at Estados Unidos, at denuclearization ng Korean Peninsula.

Sinabi naman ni Pak na ang nasabing mga pagtatagpo nina Xi at Kim ay nagpasulong ng relasyong Sino-Hilagang Koreano sa bagong yugto. Layon ng pagdalaw ng delegasyon na ipatupad ang mga narating na pagkakasundo ng dalawang lider, at matugo sa karanasan ng Tsina sa pagpapaunlad ng kabuhayan, reporma't pagbubukas para isakatuparan ang bagong pambansang estratehiya ng pagkokonsentra sa kaunlarang pangkabuhayan, at mapalalim ang pagkakaibigan ng dalawang bansa.

Salin: Jade
Pulido: Rhio

Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino