Pagtatanim ng Kawayan at Rattan para sa Sustenableng Pag-unlad, idinaos sa Embahada ng Pilipinas sa Beijing

2017-04-24 17:52:24
Ambassador Jose Santiago Sta. Romana

Bilang pagsuporta sa implementasyon ng Paris Agreement on Climate Change na niratipikahan kamakailan ng Senado ng Pilipinas, at paggunita sa Araw ng Mundo (Earth Day), idinaos Abril 21, 2017 sa hardin ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing ang pagtatanim ng kawayan at rattan para sa sustenableng pag-unlad.

Sa eksklusibong panayam ng Serbisyo Filipino kay Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, sinabi niyang napakahalaga ng nasabing aktibidad dahil sinisimbolo nito ang pagpapahalaga ng bansa sa pangangalaga ng kalikasan at pagsusulong ng sustenableng pag-unlad.

Ani Sta. Romana, pormal na nagkabisa sa Pilipinas ang nasabing kasunduan noong Abril 22, 2017.

Bukod sa pagsuporta sa Paris Agreement on Climate Change, layon din aniya ng aktibidad na ipakita ang matibay na pagkakaisa ng Pilipinas, Tsina at iba pang mga bansa ng Timog-silangang Asya sa pakikibaka sa pagbabago ng klima, pagpapa-unlad sa kabuhayan ng kani-kanilang mga mamamayan sa pamamagitan ng mga produktong kawayan at rattan, at mahusay na paghawak sa iba pang usapin at hamong kinakaharap ng rehiyon at daigdig.

“Ang kawayan at rattan ay pangkaraniwan sa Pilipinas, pero malaki ang ginagampanan ng mga ito sa mitigasyon sa pagbabago ng klima, dahil kung magagamit ang mga ito sa mabisa at sustenableng paraan, hindi na kailangang pumutol pa ng mga puno at sirain ang mga kagubatan,” dagdag ng embahador Pilipino.

Pero, bagamat, natural na tumutubo ang kawayan at rattan sa Pilipinas, hindi pa ganoon kaunlad ang mga pamamaraan ng bansa sa sustenableng paggamit nito.

Hinggil dito, sinabi ng embahador Pilipino na, kasalukuyan nang gumagawa ng mga konkretong hakbang ang pamahalaan ng Pilipinas upang pasulungin ang kamalayan ng mga Pilipino tungkol sa mga produktong mula rito, at kung paano magagamit ang mga ito sa pagpapa-unlad ng buhay ng maraming tao, lalung-lalo na ng mga nasa kanayunan.

Ikinuwento ni Sta. Romana na noong Pebrero 2017, nagkaroon siya ng pagkakataon na magpunta sa Cebu, at doon, nakita niya mismo kung paano napa-unlad ng mga produktong rattan ang buhay ng isang Pilipinong negosyante.

Nakakabilib aniya ang istorya ni Kenneth Cobonpue.

Anang embahador Pilipino, si Cobunpue ay isang negosyante ng mga kagamitang pambahay sa Cebu, at ito ang negosyong minana niya mula sa kanyang mga magulang, pero dahil sa kagustuhan niyang magkaroon ng ibang produkto, inumpisahan niyang magdisenyo ng mga modernong kagamitan sa bahay, gamit ang rattan.

Dagdag ni Sta. Romana, nakilala ang mga produkto ni Cobunpue sa buong mundo dahil sa kalidad at ganda ng mga ito, at sa katunayan, bumili ng kamang gawa ni Cobunpue ang sikat na aktor sa Hollywood na si Brad Pitt.

Dahil dito, ani Sta. Romana, lalong nakilala sa ibayong dagat, partikular sa mga artista ng Holywood ang mga produkto ni Cobunpue.

Sa kanya namang talumpati sa pagtititpon, sinabi ni Dr. Hans Friederich, Direktor Heneral ng International Bamboo and Rattan Organization (INBAR), na ang kawayan at rattan ay mga katangi-tanging halaman, dahil ang mga ito ay magagamit sa humigit-kumulang sa 10,000 ibat-ibang paraan.

Aniya, ang mga ito ay may kakayahang gumawa ng oportunidad sa trabaho, restorasyon ng lupa, muling pagpapausbong ng kagubatan, at potensyal na panggagalingan ng malinis at muling magagamit na enerhiya.   

Kaya, dapat aniyang paunlarin ng Timog-silangang Asya ang paggamit ng mga halamang ito, na kilala rin sa tawag na “berdeng ginto.”

Ayon naman kay Wang Chunfeng, Pangalawang Direktor Heneral ng Department of International Cooperation ng State Forestry Administration ng Tsina, mahalaga ang kawayan at rattan sa pag-abot ng mga sustenableng target ng Tsina.

“Ang kawayan at rattan ay mga berde, mababang karbon, recyclable, at madaling mai-angkop na natural na yaman, at ang mga ito ay magagamit sa paglaban sa pagbabago ng klima, pagkasira ng lupa, at iba pang mga hamon; kaya't napakahalaga ng pagsusulong at pagpapaunlad ng sustenableng paggamit ng mga ito,” aniya.

Dumalo sa naturang pagtitipon ang mga embahador at diplomata mula sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), mga opisyal ng INBAR, mga opisyal ng State Forestry Administration ng Tsina, mga meida, at mga kaibigang Tsino.

Ang nasabing aktibidad ay magkasamang inorganisa ng Emabahada ng Pilipinas sa Beijing at INBAR, sa suporta at pagtataguyod ng Department of International Cooperation ng State Forestry Administration ng Tsina at ASEAN-China Center.


Ulat/Larawan: Rhio

Edit: Jade

Web-editor: Vera


Balita:
Tsina ASEAN Daigdig Litrato
Ugnayang Pinoy:
Beijing Shanghai Guangzhou Tianjin Shenyang Shijiazhuang Tips Community Billboard
Tsina sa Aming Mata:
Sine Tsino Pop China Gabi ng Musika Cooking Show Tsina mula sa Likod ng Aking Kamera MaArte Ako
Usap-usapan Ngayon sa Tsina Pag-usapan Natin
Pag-aaral ng Wikang Tsino:
Pag-aaral ng Wikang Tsino